MA at PA
ni Rommel Placente
EMOSYONAL ang cast at production staff ng seryeng Lolong: Pangil ng Maynila, na pinagbibidahan ni Ruru Madrid, sa kanilang last taping day.
Hindi nga napigilan ni Ruru ang mapaluha nang matapos ang huling mga eksena niya sa nasabing hit action series ng GMA 7.
Sa kanyang Instagram account, nag-post ng mahabang message ang aktor na ibinahagi niya ang kanyang saloobin sa pagtatapos ng kanilang taping.
Kalakip ang kanyang litrato na kuha sa set ng kanilang hit series, narito ang buong emosyonal na pahayag ng gwapong boyfriend ni Bianca Umali.
“Kagabi, natapos na ang huling taping day ng Lolong. Hanggang ngayon, may sepanx pa rin. What a journey.
“Hindi naging madali—may mga sugat, luha, pagod, at sakripisyo. Dumaan kami sa matitinding pagsubok, lalo na nu’ng hindi ako makagalaw dahil sa injury.
“Kailangan naming baguhin ang takbo ng kwento. Pero hindi tumigil ang laban. Hindi bumitaw ang bawat isa. Lahat nag-step up, nagkaisa, at piniling lumaban para sa isa’t isa.
“Pinilit kong bumangon at magtrabaho kahit may iniinda, dahil alam kong kailangan nila ako—at kailangan namin ang isa’t isa.
“Dahil para sa amin, ang totoong tagumpay ay nasa samahan, sa puso, at sa tibay ng loob.
“Kaya nagpapasalamat ako sa lahat ng naging parte ng proyektong ito.
“Marami akong natutunan—bilang artista, bilang kakampi, at bilang tao. At lahat ng ito, dadalhin ko habang buhay. Mahal ko kayo.
“I’m beyond grateful na muling bigyang-buhay ang karakter ni Lolong.
“Isang bihirang pagkakataon na maipagpatuloy ang kwento ng isang karakter na sobra kong minahal.
“At habang buhay akong magiging thankful sa GMA, GMA Public Affairs, at Sparkle—sa tiwala, suporta, at sa pagkakataong ibalik si Lolong sa ikalawang pagkakataon.
“Sobrang laking bagay nito para sa akin. Hindi ko ito kailanman kakalimutan.
“Salamat sa lahat ng sumuporta at sumama sa paglalakbay namin. Huling linggo na ng Lolong—sana samahan n’yo kami hanggang dulo.
“Para sa inyo ’to. Para sa bayan. Para sa bawat pusong lumalaban.
“Hindi dito nagtatapos ang Lolong—dahil ang tunay na bayani, hindi kailanman nawawala.
“Kaya hanggang sa muli, paalam! – Lolong.”