ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ISA si Bulacan Vice-Governor Alex Castro sa big winners sa nakaraang May 2025 elections.
Masasabing hindi lang landslide, kundi super-landslide ang naitala niyang panalo rito. Ang nakuha niyang boto ay umabot sa 1,360,020 para sa kanyang second term. Higit 1.2 million votes ang lamang ni VG Alex sa pumangalawa sa kanya.
Samantala ang ka-tandem naman niyang si Governor Daniel Fernando ay nakakuha ng 1,117,893 votes.
Kaya naman walang pagsidlan ang saya at pasasalamat ni VG Alex sa nakuhang bagong mandate bilang pangalawang ama ng lalawigan ng Bulacan.
Aniya, “Actually, nakaka-overwhelm, nakatutuwa talaga. Sa akin naman kasi, isa o dalawang boto ang lamang, masaya na, e. Pero iyong ganyan kalaki, sobrang nakaka-overwhelm and at the same time ay challenging.
“Nakatutuwa dahil nakita ng mga tao ang trabaho natin bilang Vice Governor, kaya ibinoto nila tayo nang ganyan and they are expecting more, kaya siguro ganyan ang suporta nila.
“Kaya itong second term ko, mas gagalingan pa natin at mas pagbubutihin pa natin iyong trabaho natin.”
Dagdag niya, “Talagang napakasaya ko, kami ni Gov (Daniel), dahil kami lang ang tandem na umabot nang milyon ang lamang sa buong Filipinas kaya nagpapasalamat po kami sa mga kababayan namin.”
Ayon kay VG Alex, ang focus niya ngayon ay mas lalo pang magserbisyo sa mga Bulakenyo at hindi niya iniisip ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa susunod na halalan.
“Mahirap po kasing mag-isip ng susunod mong tatakbuhin, kasi ay nawawala ang essence ng public service. Sa totoo lang po, gusto kong gawin ang mga bagay na makatutulong sa mga tao, dahil gusto kong magserbisyo, hindi po iyong dahil sa tatakbo ako sa higher position.
“Kasi, alam naman ng lahat na naging Vice Governor ako na hindi ko plinano. Hindi ko ginawa ang mga bagay dati noong pandemic dahil gusto kong tumakbo sa mas mataas na posisiyon. Si Lord lang po ang nakaaalam kung ano ang para sa atin, basta gagawin ko po ang trabaho ko talaga.”
Ano ang mga proyekto na mas tututukan niya sa next three years?
“Isa po riyan, iyong laban natin sa maayos na serbisyo sa tubig, kasi matagal na nating ipinaglalaban ito, Board Member pa lang ako. Natutuwa lang ako dahil napakinggan na ng national government nitong malapit na ang election. Akala nila na mag-e-election kaya lang natin ito binigyan nang pansin. Pero matagal na itong laban at sa pagbalik natin sa second term tuloy-tuloy pa rin ang laban natin sa maayos na serbisyo ng tubig sa ating probinsiya. Dahil deserve ng mga kababayan natin ang maayos na serbisyo.
“Siyempre iyong health natin, kung paano pa natin mai-improve ang ating district hospitals at provincial hospitals. Ang pagbili ng mga makabagong kagamitan at maiayos pa ang serbisyo sa ating mga hospital.
“Susunod d’yan siyempre ‘yung education na sana ay mas marami pang kabataan ang mabigyan namin ng scholarships. Na from 18,000 nang naupo kami ni Governor, ngayon ay 80,000 na ito at gusto pa naming madagdagan iyan nang madagdagan.
“Plus, marami pang iba, like lalo na iyong problema sa baha, problema sa kalsada, sa traffic. So, marami pa pong tutukan talaga at ang maa-assure ko lang sa kanila, iyong executive at legsilative ay nagtutulungan po kami talaga sa Bulacan para maiayos ang lalawigan natin.”
Kabilang si VG Alex sa celebrities na sumuporta sa launching ng Majeskin skincare products recently bilang suporta kina Maja Salvador at husband nitong si Rambo, plus ang Beautederm founder and CEO Rhea Anicoche Tan.
Pahayag ni VG Alex, “Siyempre support ako kina Ate Rei. Actually, naninibago ako dahil matagal na akong hindi nakaa-attend sa event ng Beautederm. So ngayon lang, mabuti at maluwag-luwag ang schedule natin. Siyempre pamilya na natin sina Ate Rei at kapag may ila-launch na bagong product… iyan nakatutuwa dahil si Maja ang kapartner niya rito na kapatid ko rin sa Beautederm.
“Si Maja naman mula nang nag-artista ako, ilang beses na kaming nagkasama. Noong nagko-commercial ako, siya ang kasama ko, hanggang sa nag-artista ako. So, kaibigan natin sila pati na si Rambo at si Ate Rei. So, support kaming mag-asawa sa kanila at natutuwa kami na may bago silang product, itong Majeskin. And I wish and I hope na maraming gumamit nito dahil very promising talaga ‘yung product.”
Gaano na katagal silang mag-asawa as endorsers ng Beuatederm? “Ako 14 years na yata ako sa Beuatederm, parang isa rin ako sa mga nauna (endorser nito). Si Shine (Sunshine Garcia) ay two years ago yata.”
Ano ang madalas na ginagamit niyang Beautederm products?
Esplika ni Alex, “Ang ginagamit ko iyong Beau charcoal soap, ito talaga ang sabon ko. Iyan ang sekreto ng mga… guwapo, hahaha! Tapos hindi nawawala sa akin ang day cream every morning tuwing umaalis ako at ‘yung night cream naman, bago ako matulog. At ‘yung Cristaux serum nila ginagamit ko rin.
“So marami… lahat halos ng products ng Beautederm ay ginagamit natin, kasi ako ‘yung endorser na ginagamit talaga ang mga product na ine-endorse ko.”
Nagbigay din ng mensaheng pasasalamat sa kanyang mga kababayan si VG Alex.
“Sa mga kababayan ko pong Bulakenyo, unang-una ay maraming-maraming salamat po sa inyo sa tiwala po ninyo sa akin, sa amin ni Governor Daniel Fernando. Lahat ng mga pangarap po natin sa ating lalawigan, basta mas pagagandahin pa natin. Ipagpapatuloy po natin ang good governance, iyong dedication sa trabaho…
“Iyong botong ibinigay po ninyo sa akin, hindi ko maipaliwanag ang saya dahil gumawa tayo ng history. Iyong ibinigay ninyong boto sa akin, iyon ang pinakamalaking boto sa history ng Bulacan at noong panahon ng election, tayo ang may pinakamalaking botong nakuha sa buong Filipinas under governor at vice governor.
“Kaya talagang kailangan ay suklian po natin ito nang tapat na serbisyo at pagmamahal sa ating lalawigan ng Bulacan,” masayang sambit pa ng masipag na aktor/public servant.