ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
HANDA na ang mga sinehan para sa halo-halong kilig, aksiyon, takutan at nostalgia matapos aprobahan ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang sunod-sunod na pelikula at special screenings na tiyak na aabangan ng mga Pinoy moviegoers.
Bumida agad ang pagbabalik ng classic action hit na “Top Gun”, na muling mapapanood bilang bahagi ng 40th anniversary screening nito sa SM Cinemas. Tampok dito sina Tom Cruise, Kelly McGillis, at Val Kilmer. Rated PG ito ng MTRCB.
Hindi rin pahuhuli ang mga Team Edward at Team Jacob fans dahil magbabalik din sa big screen ang “Twilight Movie Marathon”, exclusive rin sa SM Cinemas, para muling buhayin ang sikat na vampire craze na minsang nagpabaliw sa buong mundo.
Para naman sa K-pop fans, aarangkada sa sinehan ang “TXT MOA CON IN JAPAN: Live Viewing” ng global boy group na TXT o Tomorrow X Together. PG-rated ang concert film kaya swak pati sa younger fans.
May handog din para sa anime lovers. Kabilang sa na-review ng MTRCB ang “Assassination Classroom The Movie: Our Time at Mobile Suit Gundam Hathaway”. Ang una ay may R-13 rating habang PG naman ang “Gundam” film na tampok ang boses ni Kenjiro Tsuda.
Hindi rin mawawala ang Hollywood big stars sa lineup. Dumaan sa review ang “In The Grey” na pinagbibidahan Nina Henry Cavill, Jake Gyllenhaal, Eiza González at Rosamund Pike. Nakakuha ito ng R-13 rating dahil sa matinding aksiyon at thriller scenes.
Excited na rin ang sci-fi fans sa “The Mandalorian and Grogu” na tampok sina Pedro Pascal, Jeremy Allen White, at Sigourney Weaver. PG ang rating ng much-awaited adventure film.
Samantala, aarangkada ang horror fever sa mga sinehan sa pagdating ng Korean horror film na “Salmokji: Whispering Water”, kasama ang Speed Demon at mga Megaworld Cinema exclusives na “Jack in the Box: Origins” (Director’s Cut) at “The Sadness” (Director’s Cut). Pinakamatindi sa horror lineup ang The Sadness, na nakatanggap ng R-18 classification dahil sa matinding zombie violence at graphic scenes.
Hindi rin magpapahuli ang lokal na pelikula sa pagpasok ng “Midnight Girls”, isang drama movie na pinagbibidahan nina Jodi Sta. Maria, Sanya Lopez, Jane Oineza, at Loisa Andalio. Nakakuha ito ng PG rating.
Ayon kay MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto, patunay umano ang iba’t ibang pelikula na mas lumalawak ang entertainment choices ng mga Filipino.
“From timeless classics and anime to concert films and local stories, viewers now have more choices than ever in cinemas. Our role is to help guide audiences through proper classifications while supporting responsible viewing,” ani Sotto.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com