HARD TALK
ni Pilar Mateo
FANEY. In present lingo, ‘yan na ang termino na tawag sa tagahanga o fan.
May pelikula. Ginawa ni Adolf Borinaga Alix, Jr..
Tribute para sa National Artist at nag-iisang Supetstar na si Nora Aunor sa kanyang kaarawan.
Idinaos ang special screening na dinaluhan ng mga solid Noranian mula sa iba’t ibang samahan.
Sa mga nakausap namin doon sa Gateway 2 Cinema 11, halos maiyak ang karamihan dahil sa pagka-ulila sa kanilang idolo. Ang ilan sa kanila ay nakasama pa sa ilang eksena sa pelikula.
Natutuwa si Direk Adolf na natupad amg plano niyang proyekto mula na rin sa tulong nina RS Francisco at kanilang Frontrow International ni Sam Verzosa. Si Atty. Aldwin Alegre ng AQ Prime.At mula sa Intele Builders, ang mag-asawang Pedro at Cecille Bravo.
Nasa Thailand si RS nang pumanaw ang Superstar. Hindi makakauwi dahil naka-poste na ang mga iskedyul.
Usap with Direk Adolf. Nagkita. Dalawang proyekto ang naihain. Pero hindi ‘yun ang gusto ni RS. ‘Yung tungkol sa fan. Na bagay nga para sa isang tribute para sa idolo ng bansa.
Sakto ang cast na inilagay. Laurice Guillen. Gina Alajar. Roderick Paulate. Bembol Roco. Perla Bautista. Angeli Bayani. At ang baguhang si Althea Ablan. Isinama ang grupong BILIB.
Rated PG ng MTRCB ang pelikula. Na umaasa ang lahat na maipalabas ito sa mga sinehan soon.
May mga nagbabalak na ng mga block screening. Sa buong kapuluan. Hanggang sa ibang bansa.
Kaya ito na ang magiging kasunod na agenda ng buong produksiyon.
Nagsimula ang istorya ni Lola Bona nang marinig ang balitang pumanaw na ang kanyang idolo. Binalikang-tanaw sa pamamagitan ng mga mementoes na kanyang nakolekta over the years. At binibigkas ang mga linya mula sa mga pelikula ni Ate Guy.
Gusto niyang pumunta sa burol. Pinipigilan ng anak dahil na-angioplasty na siya. Ang apo na si Bea ang dumamay sa kanya. Na tuwang-tuwa dahil nakare-rekate sa kanyang lola dahil siya man ay isa ring faney.
Pero sabi ni Lola Noranian siya. At ano ba ang sinasabi nitong Faney. ‘Yun na nga raw ang bagong termino para sa mga tagahanga.
Ang tanong ay kung nakarating ba si Lola at apo sa burol ng kanyang idolo.
Ang eksena ni Roderick sa burol ang tatatak sa mga manonood. Kasama si tita Perla. The trademark of a Kuya Dick sa pagbuga ng gay role!
Ginanap din sa Eastwood Walk of Fame ang paggunita sa kaarawan ng Superstar.
Naging abala ang mga pugon ng Kamuning Bakery ni Wilson Flores para sa ginawang Pan de Nora na ang pasas ang nagsilbing nunal sa ibabaw.
Masaya sina Direk Adolf, Atty. Alegre, at RS (nasa ibang bansa si Madam Cecille) dahil napasaya nila ang Noranians. At hangad nila na maiparating ang pelikula hanggang sa iba’t ibang bansa. At isasali sa film festivals.
Hindi naman naranasan ni Direk Laurice na maging isang tagahanga pero may mga in-admire siyang mga artista. Isang liham ang binasa ng kanyang anak na si Ina Feleo bilang pasasalamat sa Superstar.
Nagbasa naman ng hindi raw niya pinaghandaan na madamdaming tula si Gina.
Makare-relate, masasaktan, iiyak, tatawa, at magmamahal talaga ang makakapanood ng Faney.