MA at PA
ni Rommel Placente
HINDI nagustuhan ni Keempee de Leon na dinadaan-daanan lang ang mga senior star ng mga youngstar ngayon. Kaya naman sa isang panayam sa kanya ng Pep.ph, binalikan niya ang isang insidente nang sabihan niya ang young star ukol sa respeto sa senior stars.
Ani Keempee, “Hindi naman ako galit, pero nasabihan ko lang na…‘Tuwing may darating na elderly o kahit sabihin mong kaedaran mo na artista, magbigay-pugay ka pa rin. Mag-give respect ka pa rin. Mag-hi ka, ‘good morning,’ ‘good afternoon’ po, ganito. Or ipakilala mo ang sarili mo.
‘Yung personal ba na ikaw ang um-approach, hindi ‘yung sila ‘yung a-approach sa iyo.
“Parang magbigay-pugay at magbigay respeto ka sa mga senior.”
Patuloy niya, “Kasi may iba na dadaan-daanan lang nila, ‘di man lang kilala, o nagbigay [galang].
“Dinaanan kunwari si tito Eddie Garcia (R I.P) Hindi nagbibigay pugay.
“Eh, kung ako nga ang tagal ko sa industriya, nagbibigay-pugay. Kulang na lang lumuhod talaga ako, eh.
“Parang give respect. Andoon pa rin dapat ‘yung respeto.”
Babaeng young star ang tinutukoy ni Keempee, na ayaw niyang pangalanan.
Nagpakatotoo si Keempee sa pagsasabing iba ang attitude ng ibang artista ng bagong henerasyon kaysa noong panahon nila.
“Kasi karamihan ha, not for anything.
“Sorry, ha, for being blunt sa napapansin ko. ‘Yung ibang artista ngayon, iyon ‘yung nawawala ‘yung respeto sa elders, na hindi na sila bumabati.
“Na hindi sila marunong gumalang, na dinadaan-daanan na lang, na sila pa talaga ‘yung dapat pansinin agad, ‘di ba?”