ARESTADO ang dalawang construction worker at dalawang pool agent sa ikinasang magkahiwalay na buy bust operation ng mga awtoridad sa lungsod ng Calamba, sa lalawigan ng Laguna, nitong Martes, 5 Hulyo.
Iniulat ni Laguna PPO Acting Provincial Director, P/Col. Cecilio Ison, Jr., kay PRO-4A PNP Regional Director P/BGen. Antonio Yarra, ang pagkakaaresto sa dalawang street level individual (SLI) sa isinagawang anti-illegal drugs buy bust operation ng mga tauhan ng Calamba CPS.
Kinilala ni P/Lt. Col. Arnel Pagulayan, hepe ng Calamba CPS ang mga suspek na sina Santy Tarog, 27 anyos; at Benjo Malana, Jr., 24 anyos, kapwa construction worker, at residente sa Brgy. Pansol, sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa ulat, nakatanggap ng impormasyon ang mga tauhan ng Calamba CPS mula sa isang concerned citizen na nag-tip ng talamak na kalakalan ng ilegal na droga sa Calamba, nagbunsod sa operasyong ikinadakip ng mga suspek dakong 8:59 pm kamakalawa.
Nakompiska mula sa mga suspek ang anim na plastic sachet ng hinihinalang shabu, tinatayang may timbang na 1.1 gramo at nagkakagalaga ng P7,480; P300 drug money; at buy bust money.
Sa hiwalay na operasyon ng pulisya, naaresto ang mga suspek na kinilalang sina John Lorenz Dimaguila, 27 anyos; at Jomay Gatioan, 20 anyos, kapwa pool agent at residente sa naturang barangay.
Dinakip ang dalawang suspek dakong 4:04 pm kamakalawa sa Lazaro Compound, sa nabanggit na lugar matapos magbenta ng ilegal na droga sa pulis na umaktong poseur buyer kapalit ng buy bust money.
Nakompiska mula sa mga suspek ang limang plastic sachet ng hinihinalang shabu, tinatayang may timbang na isang gramo at nagkakahalaga ng P6,800; isang coin purse, may lamang P200 hinihinalang drug money; at buy bust money.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Calamba CPS ang mga naarestong suspek at nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 habang isusumite ang mga nakuhang ebidensiya sa Laguna Provincial Forensic Unit para sa forensic examination.
Pahayag ni P/Col. Ison, “Napakaseryoso ng buong Laguna Police Provincial Office sa ating laban sa ilegal na droga. Mula sa antas ng kalye hanggang sa mga high value target, susundan ka namin, wala kang lugar sa Laguna Province.
“Patuloy na isusulong ng Calabarzon PNP ang serbisyo publiko upang masugpo ang mga ugat ng laganap na Krimen na maaaring makasira sa maayos at mapayapang pamumuhay ng mga tao sa Rehiyon 4A,”
ani P/BGen. Yarra. (BOY PALATINO)