Drug peddler tigok sa drugbust sa Nueva Ecija
BINAWIAN ng buhay ang isang palaban na suspek na hinihinalang tulak ng ipinagbabawal na droga nang ayaw pahuli at nakipagpalitan ng mga putok sa kanyang nakatransaksiyong mga operatiba ng Talavera Municipal Police SDEU, PIU NEPPO, at PDEA nitong Martes, 27 Abril, sa Brgy. Pag-asa, bayan ng Talavera, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ni P/Col. Jaime Santos ang suspek, ayon sa report ni P/Lt. Col. Heryl Bruno, hepe ng Talavera MPS, na si Rency Boy Valencia, nasa hustong gulang, kabilang sa drugs watchlist, residente sa nabanggit na lugar.
Bumulagta ang suspek sa pinangyarihan ng insidente sanhi ng mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan nang makipagbarilan sa mga awtoridad.
Nakuha ng mga nagrespondeng operatiba ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang isang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu, isang Magnum .357 pistola, at nagkalat na mga basyo ng bala mula sa 9mm kalibreng baril.
“Central Luzon Police will continue to launch operations as maximized efforts is being carried out to wipe out all forms of illegal drugs if not, stop the proliferation of illegal drugs in the region,” pahayag ni P/BGen. De Leon. (RAUL SUSCANO)