Friday , June 2 2023

Mega web of corruption: IBC-13 JVA sa R-II Bldrs ipawalang bisa — COA

ni Rose Novenario

INIREKOMENDANG ipawalang bisa ang pinasok na joint venture agreement (JVA) ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC-13) sa R-II Builders-Primestate Ventures, Inc., dahil lugi ang gobyerno sa kasunduan.

Nakasaad sa rekomendasyon ng Commission on Audit (COA) sa 2018 Annual Audit Report, “Rescind the JVA and its amendments as this will result in IBC-13 losing its share in the JVA with RBI/PVI; otherwise, cause another amendments to then JVA that will be just fair to others.”

Sa ilalim ng Joint Venture Agreement (JVA) ng IBC-13 at RII Builders noong 24 Marso 2010, dapat i-develop ng RII Builders-Primestate Ventures, Inc., ang 36,401 square meters mula sa 41,401 sqm na pag-aari ng IBC-13 sa Broadcast City, Capitol Hills, Quezon City.

Gagawing residential complex ng Primestate Ventures ang nasabing lupain habang ang natitirang 5,000 sqm ng IBC-13 ay tatayuan din umano ng RII Builders ng dalawang building.

Sa 2011 COA report, minarkahan na undervalued ang lupaing binili ng Primestate Ventures sa ilalim ng JVA sa halagang P9,999.99 per sqm dahil ang tunay na halaga nito ay higit pa sa P22,000 per sqm.

Ikinonsidera ng COA at ng Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) ang kasunduan bilang ilegal o walang bisa mula pa sa umpisa dahil batay sa report ng COA, walang pag-ayuda ng Privatization Council at lumabag sa dalawang executive order na may kaugnayan sa government-private sector joint venture.

Masyadong halata na ang kasunduang ito’y minadali at pumabor sa R-II Builders dahil napakaliit ng kanilang naging puhunan na lumalabas na mas mababa pa sa P10,000 per sqm ang Broadcast City property kahit ito’y nasa prime location.

Ayon sa COA, P728 milyon lang ang ibabayad ng R-II Builders sa IBC-13 nang hulugan para sa 3.64 ektaryang lupain na gagawing residential condominium, at dalawang palapag na gusali na lang ang matitira sa TV network .

Tinatayang aabot sa P6 bilyon ang halaga ng lupaing nakopo ng R-II Builders.

Hindi rin malinaw sa JVA kung ang pagpapaunlad sa lupain ay magsisilbi sa layunin ng IBC-13 na modernisasyon ng kanilang pasilidad.

Tungkulin ng R-II Builders, base sa JVA, na bayaran lamang ng mas maliit pa sa isang bilyong piso ang IBC-13 habang ang R-II ay magkakamal nang bilyon-bilyong piso mula sa pagbebenta ng ‘developed property.’

Sa pamamagitan ng proyektong residential-commercial condominium na “Larossa” at nakuhang temporary license to sell mula sa Housing and Land Use Regulatory Board (HLURB), nasimulan ng R-II Builders ang pre-selling operations kahit hindi pa ito naitatayo.

Ang kikitain umano mula sa pre-selling operations, ang ibinayad na 20% down payment at initial installment, ang gagamitin ng R-II Builders para sa konstruksiyon ng 12-palapag na residential condominium na Larossa sa kabila na kinukuwestiyon ang JVA sa Ombudsman at walang hawak na titulo ng lupain ang R-II Builders. (MAY KASUNOD)

About Rose Novenario

Check Also

P900-M smuggled goods nakompiska sa Bulacan

P900-M smuggled goods nakompiska sa Bulacan

NAKUMPISKA ng magkasanib na mga operatiba na pinangunahan ng Bureau of Customs ang mga pinaghihinalaang …

arrest, posas, fingerprints

2 estapador tiklo sa oplan pagtugis ng CIDG

Dalawang indibiduwal na sangkot sa paglabag sa BP 22 ang naaresto sa Oplan Pagtugis na …

Cellphone sumabog, rider kritikal

Cellphone sumabog, rider kritikal

Nasa kritikal na kundisyon ngayon ang isang delivery rider sa San Jose Del Monte City, …

teacher

Sentimyento ng mga guro pakinggan
MOTHER TONGUE POLICY NG DEPED REPASUHIN– SENADOR

HINIMOK  ni Senador Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na pakinggan ang mga guro sa …

Estate Tax

Pagpapalawig sa amnestiya sa pagbabayad ng estate tax pasado na sa senado

PINASA na ng senado sa third at final reading ang panukalang batas na pagpapalawig sa …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *