Duterte matutulad kay Corona (SALN dinaya!)
Hataw News Team
May 5, 2016
News
MAIHAHALINTULAD ang ginawang pandaraya ni Presidential candidate at Davao City Mayor Rodrigo “Digong” Duterte sa kanyang idineklarang 2000 Statement of Assests and Liabilities Networth (SALN) kay dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona na nandaya rin ng SALN at naging dahilan ng pagkaka-impeach noong Disyembre 12, 2011.
Taon 2000, idineklara ni Duterte ang kanyang SALN na aabot lamang sa P2 milyon. Ito ang pinagsama niyang ari-arian simula nang manungkulan siya bilang alkalde ng Davao City at part owner ng Honda Showroom sa General Santos City.
Lumilitaw na ito ang panahon nang kasalukuyan pa silang nagsasama bilang mag-asawa ni Elizabeth Zimmerman.
Ngunit nang sumapit ang 2007 at pumasok na rin sa politika ang kanyang mga anak na sila Paolo at Sarah, idineklara ni Paolo na ang kanyang SALN ay umaabot na sa P20 milyon samantala iniulat naman ni Sarah na may SALN siyang P18 milyon.
Sa nakalap na ulat, kapwa walang hanapbuhay ang mga anak ni Duterte nang pumasok sa politika. Ngunit idinahilan ni Inday, ang palayaw ni Sarah, na legitimate ang kanilang kayamanan dahil aniya may namana sila sa kanilang mga magulang nang magpasya na magpa-annul ng kanilang matrimonyo.
Ngunit ang ipinagtataka ng taumbayan ay kung paano nagawa ni Duterte na palobohin ang dati niyang P2 million SALN noong 2000 patungo sa minimum na P38 milyones noong 2007 mula sa pinagsamang SALN nila Sarah at Paolo.
“Kahina-hinala ang biglang paglobo ng ari-arian ni Duterte kung ibabase sa kanyang 2000 SALN na mayroon lang P2 milyon. Tapos sa loob lamang ng pitong taon, nagkaroon siya ng P38 milyon? Kung tutuusin hindi pa kasama ang SALN ni Digong dito dahil ang P38 milyon ay para lamang sa pinagsamang SALN ng kanyang mga anak,” galit na ipinahayag ni Kilusan Kontra Kabulukan at Korupsiyon (4K) Secretary General Rodel Pineda.
“Hindi na kataka-taka na ibisto ni Senador Antonio V. Trillanes IV ang $211 million undeclared assets ni Duterte dahil napaka-corrupt niya,” dagdag ng 4K Secretary General.
Iginiit ni Pineda na sadyang walang ipinagkaiba ang mga Duterte sa ginagawang pagnanakaw sa kaban ng bayan ni Vice President Jejomar Binay na una na ring binaterya sa Senado dahil sa kanyang mga hidden account na nagsimula noong Mayor pa lamang ng Makati City.
“Binay at Duterte, pare-pareho lamang sila dahil mga Berdugo sila sa Kaban ng Bayan. Dapat natin ipagpatuloy at manatiling alerto sa pagbabantay sa mga taong numero uno sa korupsiyon,” pagwawakas ni Pineda.