This site uses cookies for analytics and to improve your experience. By clicking Accept, you consent to our use of cookies. Learn more in our privacy policy.
PATAY ang isang driver mechanic makaraan saksakin ng tatlong kapitbahay sa loob ng kanyang bahay nang hindi magbigay ng balato at hindi sila tinuruan sa paggawa ng electric generator sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.
Hindi na umabot nang buhay sa Dr. Rodriguez Memorial Hospital ang biktimang si Frederick Yap, 50, ng Phase 8-B, Brgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod, sanhi ng mga tama ng saksak sa dibdib.
Habang pinaghahanap ang mga suspek na sina Raquel Flores, alyas Roger at alyas Rolly, mabilis na tumakas makaraan ang insidente.
Ayon sa ulat ni PO3 Rhyan Rodriguez, dakong 10 p.m., kausap ng biktima ang kanyang kinakasama na si Eden Guevarra sa kanilang bahay nang biglang pumasok ang mga suspek at pinagsasaksak si Yap.
Sa imbestigasyon ng pulisya, gusto ng mga suspek na humingi ng balato sa biktima o kung hindi man ay turuan sila kung paano gumawa ng electric generator ngunit hindi pumayag si Yap na labis na ikinagalit ng mga salarin.
Napag-alaman din na naibenta ni Yap ang huli niyang nabuong electric generator sa halagang P350,000.