MULING ipapatupad ang pilot run ng face-to-face classes sa limang paaralan sa lungsod ng Parañaque na naapektohan ng pagdami ng mga kaso ng CoVid-19 Omicron variant.
Ayon sa Parañaque local government unit (LGU) napagkasunduan sa pagpupulong ng Parañaque City Schools Division at ng City Health Office na magpapatuloy ang mga klase para sa dalawang elementarya ng Don Galo Elementary School at sa La Huerta Elementary at tatlong high school.
Ang mga bata na pinapayagang dumalo sa mga klase ay dapat bakunado at may pahintulot mula sa mga magulang.
Ayon sa LGU noong 14 Pebrero pormal na inilunsad ang HyLearn learning sa Parañaque National High School main campus.
Binuksan din ang face-to-face classes sa Arcadio National High School at sa Baclaran National High School.
Ayon sa LGU, namahagi ang pamahalaang lungsod ng karagdagang laptops, tablets at android phones sa mga mag-aaral, internet connectivity sa school campus, at iba pang pangangailangan ng mga mag-aaral para sa hybrid learning. (GINA GARCIA)