SIPAT
ni Mat Vicencio
BAKIT sa tatlong DDS na senador, tanging si Sen. Bong Go lang ang pinangalanan ng sikat na broadcaster na si Anthony “Ka Tunying” Taberna na merong malaking ‘insertion’ sa 2025 national budget?
Kung tutuusin, sina Sen. Ronald dela Rosa at Sen. Robin Padilla na kabilang din sa bloke ng DDS sa Senado ay meron ding ‘insertion’ pero tanging si Go lamang ang tinukoy ni Ka Tunying sa kanyang programang Dos por Dos.
Matatandaang mismong si Senate President pro tempore Ping Lacson ang nagsabi at nagbunyag na halos lahat ng mga senador ng 19th Congress ay meron kani-kanilang ‘insertion’ sa 2025 budget.
Sa dokumentong ipinakita ni Ka Tunying, umaabot sa P3.647 billion ang ‘insertion’ ni Go. Galing daw sa Senate ang kanyang hawak-hawak na listahan pero kung pagmamasdang mabuti, wala naman makikitang letterhead ng Senado ang sinasabing dokumento.
At kung totoo man na hindi peke ang dokumentong ipinakikita ni Ka Tunying, dapat lang ay patunayan niya ito at sabihin kung saan niya ito nakuha at kung sino ba talaga ang nagbigay sa kanya ng listahan ng mga senador na merong ‘insertion’.
Pero bakit nga ba si Go lang ang pinangalanan ni Ka Tunying na merong ‘insertion’?
Ito ba ay dahil sa sinasabing maraming DDS ang hindi nagtitiwala kay Go, kabilang na ang magkapatid na sina Davao City Mayor Baste Duterte at Vice President Sara Duterte?
Kung matatandaan, nauna nang pinuna ni Baste si Go dahil na rin sa tinatawag na kawalan ng political stand ng senador laban sa gobyerno ni PBBM at pananahimik sa patuloy na kaganapang politikal sa Davao.
Hindi rin iilan ang nagsasabing sa kabila ng hayagang mga pahayag ni Sara na wala silang pagkakaintindihan ni Go, marami naman ang naniniwalang hindi nawawala ang iringan ng dalawang politiko.
Kaya nga, ito ba ang tunay na dahilan kung bakit inilaglag ni Ka Tunying si Go? (30)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com