TINUTUGIS ng mga awtoridad ang tatlong lalaking suspek sa pamamaslang sa isang Indian national nitong Linggo, 2 Nobyembre, sa harap ng isang sari-sari store sa bayan ng Sultan Kudarat, lalawigan ng Maguindanao del Norte.
Kinilala ang ang biktimang si Jagmeet Singh, Indian national, moneylender, at residente sa Brgy. Rosary Heights 10, Sultan Kudarat.
Ayon kay P/Lt. Col. Jopy Ventura, tagapagsalita ng PRO-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR), naniningil ang biktima sa mga may utang sa kaniya dakong 3:30 ng hapon kamakalawa nang dumating ang tatlong lalaking magkakaangkas sa isang motorsiklo saka siya pinagbabaril sa harap ng isang tindahan sa gilid ng kalsada sa Brgy. Limbo, sa nabanggit na bayan.
Ayon sa mga nakasaksi, agad binawian ng buhay ang biktima at kinuha ng mga suspek ang sling bag na suot niya na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga mula sa nasingil niyang pautang.
Ayon sa pulisya, posibleng pera ang motibo ng mga suspek sa pamamaslang dahil tinangay nila ang bag ng biktima na naglalaman ng kaniyang nakolekta mula sa kaniyang mga pautang.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com