HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang mangingisda habang sugatan ang dalawang iba pa nang pagbabarilin sila habang lulan ng bangka, nitong Linggo, 2 Nobyembre, sa Brgy. Pasil, lungsod ng Cebu.
Kinilala ng pulisya ang pinaslang na biktimang si Efren Tancos, 44 anyos; mga sugatang sina Marvin Moreno, 27 anyos, at Winston Caparida, 25 anyos, pawang mga residente sa Inabanga, Bohol.
Sa ulat ng pulisya, kinontrata ni Caparida si Tancos at Moreno na ihatid ang kaniyang pamilya mula Brgy. Ermita, sa naturang lungsod, patungong Inabanga.
Plano ng pamilyang dumalaw sa kanilang mga yumaong kamag-anak para Undas.
Nang dadaong na ang bangka sa Brgy. Pasil, dumating ang mga armadong lalaki saka sila pinagbabaril.
Agad tumakas ang mga suspek matapos ang pag-atake habang isinugod ang mga biktima sa Cebu City Medical Center kung saan tuluyang pumanaw si Tancos.
Pahayag ni P/Capt. Charisma Gonzales, information officer ng Cebu City Police Office, lumalabas sa insiyal na imbestigasyon na hindi bababa sa lima katao ang sangkot sa insidente.
Aniya, patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek at motibo ng pamamaril.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com