ARESTADO ang dalawang lalaki matapos ang pangmomolestiya sa apat na binatilyo at pagkuha ng video sa kanilang pang-aabuso sa bayan ng General Mariano Alvarez, lalawigan ng Cavite.
Sa inilabas na ulat ng Philippine National Police Women and Children’s Protection Center (PNP WCPC) nitong Lunes, 3 Nobyembre, nasa edad 26 at 27 anyos ang dalawang hindi pinangalanang mga suspek, habang ang mga biktima ay nasa 15-19 anyos.
Natunton ng pulisya ang mga suspek sa kanilang bahay sa nabanggit na bayan, bitbit ang search warrant upang makompiska at masuri ang computer data kasunod ang case referral na inihain ng National Center for Missing and Exploited Children.
Ayon sa WCPC, inimbitahan ng mga suspek ang mga biktima sa bahay ng isa sa kanila kung saan naganap ang pang-aabuso habang kinukunan ng video ng isa pang suspek.
Nabatid na binayaran ng mga suspek ang mga biktima ng halagang P500 hanggang P600 kapalit ng ginagawa sa kanilang pangmomolestiya.
Isinailalim ang mga biktima sa kustodiya ng Municipal Social Welfare and Development Office para sa psychosocial interventions, habang inilagak ang mga nadakip na suspek sa kustodiya ng WCPC Luzon Field Unit.
Kinahaharap ngayon ng mga suspek ang kasong paglabag sa RA 11930 o Anti-Online Sexual Abuse and Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act; at RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act, kaugnay ng RA 10175 o Cybercrime Prevention Act.
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com