ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG mahusay na singer, composer, at comedian na si Mojack ay patuloy sa paghataw ang showbiz career.
Nang kumustahin namin via FB ay ito ang kanyang naging tugon.
Aniya, “Heto nga po kuya, unti-unting bumabalik po tayo sa mga pagtatanghal sa entablado saang dako man ng mundo, kung saan po may mga producers na tayo po ay pinagkakatiwalaan. Para naman maipamalas ang aking talento at upang pasayahin ang mga kababayan natin saang sulok ng mundo man po ito.”
Nagbalik siya kamakailan sa bansa para tumulong sa kampanya ni District Engineer James Dellosa.
“Ay oo nga po, nagpaalam po ako sa trabaho ko rito sa Amerika, para suportahan ang ating mga malalapit at inirerespetong mga kaibigan kagaya ni DE James Dellosa, na subok na subok ko po ang kabaitan at ang pagtulong sa kapwa kahit hindi pa man nakaupo.”
After niyon ay nagkaroon sila ng concert ni Rachel Alejandro sa Aruba at naging matagumpay ito.
Nagkuwento si Mojack hinggil dito, “Actually, ito po ay ginanap sa Marriott Hotel sa Aruba na napag-alaman po namin na ang huli pa pong nagtanghal doon na Filipino artist ay si Mr. Mike Hanopol pa, way back 2003.
“Kaya kami naman po ni Ms. Rachel Alejandro… grabe ‘yung first time namin na nagsama sa isang show na ganito, pero parang matagal na po kaming magkasama sa isang entablado. Napakabait niya, walang ere, hindi prima donna, hindi pa-importante o demanding, wala po. Super-bait niya at napakasimple sa lahat ng bagay… hindi kami napapagod kahit lahat ng crowd namin ay magpa-pictorial pa outside.
“Sa sobrang enjoy po nila, they are requesting for us to do a concert part-2. Kaya kami po ay taos-pusong nagpapasalamat sa nag-produce ng concert na ito sa napakagandang Island ng Aruba na sina Mr. & Mrs. Goldschmidt at ID Realty Group. M & A Gold Productions at ang Coco Production ni Ms. Cory Miranda.”
Dagdag ni Mojack, “Kami po ay lubusan din na nagpapasalamat sa Filipino community sa Aruba sa kanilang 100 percent na magaganda at positibong komento. Kaya sa mga iba pang producers, alam n’yo naaaa… isa lang po masasabi namin, ‘We Won’t Let You Down!’”
Aminado rin siyang nami-miss ang pagsabak sa mga live show.
“Ay opo, super-dooper sa pagka miss, kasi bawat lugar na napupuntahan ko may kanya-kanyang sets of audiences po. Kaya ngayon na nakapagko-concert na akong muli, kakaiba po talaga ang fulfillment,” masayang sambit pa ni Mojack.
Ano ba ang pinagkakaabalahan niya sa Tate?
Esplika niya, “Ako po ay isang Direct Support professional sa isang Home Health, helping individuals for their everyday need like grooming, assisted with their medications, meals and doctors appointment, etcetera.”
Si Mojack ay nakilala rin noon bilang impersonator ni Blakdyak dahil maituturing na mentor niya ito at isang matalik na kaibigan.
Isa sa mga awards na nakuha ni Mojack ang PMPC’s 11th Star Awards for Music, bilang Novelty Artist of the Year para sa kantang “Katuga”.