ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
APRUB sa Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang “Jurassic World: Rebirth” na rated PG (Patnubay at Gabay ng Magulang). Swak para sa pamilyang Filipino, ang PG rating ay angkop sa mga edad 13 pababa, basta’t may kasamang magulang o nakatatanda.
Tampok sa kuwento ang isang grupo na patungo sa isang ipinagbabawal na isla para hanapin ang biomaterial mula sa tatlong pinakamalalaking nalalabing hayop mula sa lupa, himpapawid, at karagatan.
Ang biomaterial ay susi sa isang makabagong gamot na maaaring makasagip ng maraming buhay.
Samantala, ang klasikong pelikulang Filipino na “Sa Init ng Apoy” (1980) na pinagbibidahan nina Rudy Fernandez at Lorna Tolentino, ay nabigyan ng R-13 (Restricted-13) rating, angkop para sa mga edad 13 pataas.
Tungkol ito sa karanasan ni Laura (Tolentino), na sinapian ng masamang espiritu sa mismong araw ng Biyernes Santo—ang araw na pinaniniwalaang namatay si Hesus—habang sila ay nagbabakasyon ng kanyang asawang si Emil (Fernandez).
Isa pang pelikulang nabigyan ng R-13 ay ang Korean horror-thriller na “Noise,” na batay sa totoong kuwento ng katatakutan.
Ang pelikulang Filipino na “Shake, Rattle & Roll 1” (1984), mula sa direksiyon nina Emmanuel H. Borlaza, Ishmael Bernal at Peque Gallaga, ay rated R-16 (Restricted-16) dahil sa mga sensitibong tema, eksena at lenggwahe. Ito ay para lamang sa mga edad 16 pataas.
Pinaalalahanan ni MTRCB Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio ang mga magulang na maging responsable sa pagpili ng mga panonoorin kasama ang mga bata.
“Paalala natin sa mga magulang at nakatatanda na isaalang-alang ang tamang pagpili ng mga palabas gamit ang angkop na klasipikasyon mula sa MTRCB,” wika ni Sotto-Antonio.