AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
PASADO na ang Quezon City Police District (QCPD) sa ipinaiiral na kautusan ni PNP Chief, Gen. Nicolas Torre III makaraang makapagtala ng 00:02:10 (two minutes and ten seconds) sa isinagawang simulation exercise (SIMEX) nitong nakaraang linggo.
Hindi na tayo magtataka kung bakit pasado ang QCPD. Bakit? Ang QCPD kasi ang OG ng 3-minute response. Yes, ito ay idea at ipinairal ni Gen. Torre sa QCPD noong siya ang District Director ng pulisya. Kaya nakahihiya ang QCPD kung hindi nila ito ma-perfect.
Sa pagsubok sa QCPD para sa 5-minute response, mismong si Gen. Torre pa ang nanguna sa SIMEX para malaman kung pasado ang QCPD.
Aba’y hindi napahiya si Gen. Torre, pasadong-pasado ang QCPD na pinamumunuan ni P/Col. Randy Glenn Silvio bilang Acting District Director. Hindi ba naman papasa e, bukod sa ang QCPD ang OG ng 3-minute (ngayon 5-minute na), ito rin ay mahigpit na ipinatutupad ni Col. Silvio hindi lang para sa benepisyo ng pulisya o pagpapasiklab kung hindi para sa kapakanan ng QCitizens bilang katugunan din sa kautusan ni QC Mayor Joy Belmonte na panatilihin ang kaayusan at katahimikan ng lungsod.
Afterall, ‘ika ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kailangan maramdaman ng mamamayan ang pulis.
Balik tayo sa SIMEX na atin din nasaksihan dahil “live” ito sa GMA-DzBB nang isagawa.
Mismong si Gen. Torre ang tumawag sa District Tactical Operations Center at pinarespondehan ang Cavite corner West Avenue – hanapin ang GMA reporter na si Allan Gatus.
Sinabi ni Col. Silvio, pagtanggap ng ‘reklamo’, itinawag agad ito ng DTOC sa Station Tactical Operation Center, na nakasasakop sa lugar, agad nagresponde ang mga nakatalagang pulis sa lansangan (para sa police visibility) lalo na iyong malapit sa area.
Hayun, sa time check ni Gatus, dumating sa loob ng dalawang minuto at sampung segundo ang mga nagrespondeng mobile car at Tactical Motorcycle Riding Unit. Iyan ang QCPD…at iyan naman ang bunga ng leadership ni Col. Silvio.
Maalala ko noong unang ipatupad ni Gen. Torre ang quick police response sa QCPD, maraming opisyal, may mga District Director pa nga sa Metro Manila ang nagsabing napakaimposible ng 3-minute response pero, nagkamali sila dahil walang imposible sa opisyal na mayroong political will na tulad ni Gen. Torre.
Ngayon, si Gen. Torre na ang Pambansang Hepe ng PNP at iniutos sa kanya ni PBBM ang 5-minute response. Bilang pagtalima, iniutos ni PNP Chief sa pulisya sa buong bansa na ipatupad ang direktiba…at ang hindi papasa? Sorry na lang kayo – sibak kayo tulad ng nangyari sa walong chief of police sa Metro Manila.
Paano naman si Col. Silvio, pasado na ba siya kay Gen. Torre? Yes, of course pasadong pasado ang kanyang 5-minute response. E ang kanyang pagiging District Director sa QCPD? Oo naman, hindi lang dahil sa pasadong SIMEX kung hindi dahil sa magagandang trabaho ng QCPD sa ilalim ng kanyang pamumuno kung kailan malaki ang ibinaba ng krimen sa QC. Bukod dito, hindi lang hanggang SIMEX magaling kung hindi maraming beses nang napatunayan ng pulisya ang 3-minute response nila sa lungsod. Hindi lang sa pag-aresto ng suspek, hindi lang sa pagrekober agad ng mga tinatangay na sasakyan kung hindi maging sa pagtulong o pagpapaanak sa isang ginang na inabutan ng paghilab ng sinapupunan sa EDSA.
Malamang kahit kay Mayor Joy, pasado na rin si Col. Silvio.