NABAWI ng mga awtoridad sa bayan ng Imus, Cavite ang P10-milyong halaga ng mga high-end security camera at iba pang mga electronic device na ipinadala mula Quezon City patungong Makati sa pamamagitan ng delivery service application.
Nadiskubre ng mga tauhan ng Quezon City Police District Anti-Cybercrime ang mga kahong naglalaman ng ninakaw na mga produkto sa isang bahay sa Imus, Cavite.
Nakita rin ng mga awtoridad ang kaparehong mga produkto sa isang bahay sa Kawit, Cavite.
Ayon kay P/Lt. Crisostomo Ubac, halos isang oras matapos ma-pick up ang mga kahon, nakita ng biktima na tila hindi gumagalaw ang icon sa mobile application.
Nang tinawagan nila ang delivery vehicle, sinabi ng suspek na may ibinaba lang silang ibang mga gamit at may isinabay na booking ngunit makalipas ang dalawang oras, hindi pa rin nakararating sa Makati ang ipinadala ng biktima.
Hindi naibaba sa drop-off point sa Makati ang ipinadalang mga produkto galing ng Quezon City at kalaunan ay nakatanggap ng mga mensahe ang biktima mula sa mga suspek na nanghihingi ng pera kapalit ng mga produkto.
Nahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa Anti-Financial Account Scamming Act, robbery extortion, at theft sa ilalim ng Cybercrime Prevention Act.