
“OUR senator-lawmakers are lawbreakers!”
Ito ang tahasang sinabi ni Atty. Howard Calleja sa ginawa ng senators-judges partikular si Senate President Francis “Chiz” Escudero kaugnay ng lantarang paglabag sa Saligang Batas at ang mismong sariling Senate impeachment rules na nagresulta sa pagka-delay, pagkaantala, at paghinto ng paglilitis ukol sa inihaing reklamo laban kay impeached Vice President Sara Duterte batay sa walang pakundangan nitong paglustay at pagnanakaw ng ilang daang milyong pisong pera ng taong bayan.
“These senators are supposed only to listen to the evidence and decide to convict or acquit, not to make motions which Escudero allowed. That is their only mandate. But they acted instead like the lawyers of Sara which is like a regional trial court judge behaving like the lawyer of the accused,” ani Calleja.
Naniniwala si Calleja na ang naging desisyon ng 18 senators-judges na ibalik sa mababang kapulungan ng kongreso ang impeachment complaint ay patunay na ayaw nilang magkaroon ng paglilitis upang maitago sa publiko ang katotohanan at ebidensiya laban kay Duterte.
Binigyang-diin ni Calleja na ngayong mayroon nang 18 boto sa senators-judges si Duterte ay wala na siyang nakikitang dahilan pa upang matakot ang kampo nito na umusad ang paglilitis.
“Talo na ang taongbayan sa rami nila. All they need is 9 votes to acquit. So ituloy na ang trial. Unless they know that the case is so strong the public might wake up and take to the streets and mount another people power,” dagdag ni Calleja.
Tinukoy ni Calleja, ang talamak na korupsiyon o pagnanakaw sa kaban ng bayan ang pangunahing usapin ng impeachment na ang mga taong pinagkatiwalaan ng taongbayan na dapat mag-ingat at magbigay ng proteksiyon ay sila rin nagbibigay ng proteksiyon laban sa akusado.
“When people in power mock our laws and the constitution for unpatriotic and personal goals, our democracy, our republic face an existential threat. It is time for the people to wake up once more,” giit ni Calleja.
Ipinunto ni Calleja na nagsimula ang paglabag sa konstitusyon ng impeachment court noong 5 Pebrero ng taong kasalukuyan nang isumite ng mababang kapulungan ng kongreso sa senado ang impeachment complaint at hindi agad ito binigyang-pansin ng senado.
Binigyang-linaw ni Calleja na imbes sundin ang itinatadhana ng batas na “forthwith” o agaran ay mas pinili ni Escudero na i-adjourn agad ang senado kahit dapat ay 7 Pebrero pa ng taong kasalukuyan.
Ipinunto ni Calleja, simula noon hanggang sa kasalukuyan, nasa mahigit apat na buwan nang iba’t iba at napakaraming dahilan o palusot ang ibinibigay ni Escudero kung bakit nauudlot ang paglilitis — klarong-klaro na paglabag sa Saligang batas. (HATAW News Team)