
HATAW News Team
EPEKTIBO kahapon, 19 Hunyo, nasa kani-kanilang bagong puwesto ang 29 matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) mula Metro Manila, south Luzon, Visayas at Mindanao.
Sa inilabas na order ni PNP Personnel and Records Management Director P/MGen. Constancio Chinayog kasama sa rigodon ang isang major general, 26 brigadier generals at dalawang colonel.
Inilinaw ni PNP Spokesperson P/BGen. Jean Fajardo na regular ang isinagawang balasahan at wala itong kinalaman sa ipinatutupad na 5-minute response rule.
Kasama sa mga binalasa sina P/BGen. Jaysen de Guzman itinalaga bilang Regional Director ng Police Regional Office sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (PRO-BAR); P/BGen. Jack Wanky bilang Acting Regional Director ng Police Regional Office CALABARZON; P/BGen. Ponce Rogelio Peñones itinalaga bilang Acting Regional Director ng Police Regional Office 6; P/BGen. Arnold Abad, Acting District Director ng Northern Police District (NPD); P/BGen. Randy Arceo, Acting District Director ng Southern Police District (SPD); P/BGen. Warren Tolito, Chief of Staff ng Philippine National Police Academy; P/MGen. Robert Alexander Aguilar Morico II, Officer-In-Charge ng Area Police Command–Visayas.
Binalasa rin sina P/BGen. Rolindo Suguilon, Acting Regional Director ng Police Regional Office 10; P/BGen. Joseph Arguelles, Acting Regional Director ng Police Regional Office 11; P/BGen. Paul Kenneth Lucas, Acting Deputy Regional Director for Administration ng National Capital Region Police Office (NCRPO), at P/BGen. Melecio Buslig Jr., Acting Deputy Regional Director for Administration ng Police Regional Office MIMAROPA.
Naniniwala ang PNP na ang balasahan ay makatutulong upang mas maging epektibo ang pagpapatupad ng sistema ng organisasyon.
Samantala, epektibo rin kahapon ang pagkakatalaga kay Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR) Director P/BGen. Romeo Macapaz bilang bagong Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Hindi apektado ng balasahan ang Central Luzon at ang Northern Luzon, ganoon din ang mga prominenteng rehiyon sa Visayas.