ARESTADO ang tatlong lalaki matapos ireklamo ng pananakit, pananakot gamit ang baril, at pagdampot sa dalawang security guard sa lungsod ng San Jose Del Monte, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng umaga, 17 Hunyo.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin Estoro, officer-in-charge ng Bulacan Police Provincial Office, kinilala ang mga suspek na sina alias ‘Lui’, ‘Lio’ at ‘Edil’, pawang mga residente ng Brgy. Gaya-Gaya, sa nabanggit na lungsod.
Batay sa paunang imbestigasyon ng San Jose Del Monte CPS, habang ginagampanan ng dalawang biktima ang kanilang tungkulin bilang mga security guard ng Rodriguez Farm sa may Abella Road, Brgy. Kaypian, dumating ang mga suspek na armado at agad silang tinutukan ng baril.
Dito na sinasabing ikinulong at pinosasan ng mga suspek ang dalawang biktima at inakusahan ng panloloob saka ikinulong.
Habang nakakulong, napag-alamang kinuha pa ng mga suspek ang kanilang mga cellphone at handheld radio, at sinira ang kanilang guardhouse at ilang gamit.
Simple namang nakatawag ang isang biktima na nakahingi ng tulong sa lokal na kapulisan na agad tumugon at rumesponde na nagresulta sa pagkaaresto ng mga suspek.
Nakumpiska mula sa kanila ang mga sumusunod na gagamiting ebidensya: isang IWI Jericho 941 PL 9mm na baril na may defaced serial number, may kasamang magazine na may labing-apat na bala, isang Long M4 rifle replica, isang cal. 45 pistol replica na parehong airsoft gun.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng San Jose del Monte CPS at nahaharap sa mga kasong Robbery, Illegal Detention, Illegal Possession of Firearm (RA 10591), Qualified Trespass to Dwelling, at Malicious Mischief.
Kaugnay nito, ipinaalala ni P/Col. Estoro sa publiko ang kahalagahan ng maagap na pakikipag-ugnayan sa kapulisan sa anumang kahina-hinalang aktibidad. (MICKA BAUTISTA)