
HATAW News Team
ISANG lalaking British national, mula sa lahi ng India, ang nakaligtas sa 242 pasahero ng Air India na bumagsak nitong Huwebes sa Ahmedabad.
Mahigit sa 265 ang pinaniniwalaang namatay kabilang ang mga nabagsakan ng eroplano na patungo sa London.
Ayon sa ulat, nag-crash ang eroplano sa isang gusali ng hostel kung saan may mga estudyanteng kumakain.
Iniulat ng Reuters, kabilang sa 242 sakay ng eroplano ang dalawang piloto at 10 cabin crew. Kabilang sa mga pasahero ang 217 adults, 13 bata kabilang ang dalawang sanggol.
Sa mga pasahero, 169 ang Indian nationals, 53 Britons, pito ang Portuguese at isang Canadian.
Ang nag-iisang survivor ay kinilalang si Vishwash Kumar Ramesh, 40, isang British national na Indian ang origin. Kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Sa ulat sinabing nakaupo si Ramesh sa seat 11A malapit sa emergency exit kaya nagawa niyang makatalon nang mag-crash eroplano.
Kasama ni Ramesh bilang pasahero ng eroplano ang kapatid na si Ajay Kumar Ramesh, nakaupo sa ibang row ng eroplano.
Tulala man sa insidente, unti-unti at pilit na inalala ni Ramesh kung paano siya nakaligtas sa nasabing pagbagsak ng eroplano.
Sa iba pang ulat, kasama sa mga namatay ang buong pamilya nina Dr. Pratik Joshi, na halos anim na taong naninirahan sa London at nangarap na dalhin doon ang kanyang asawa at ang tatlo nilang anak na naiwan niya sa India.
Pagkatapos nang ilang taong pagpaplano, tiyaga, at paghahanda ng mga dokumento, natupad ang kanilang pangarap.
Dalawang araw bago ang insidente, ang kanyang misis na si Dr. Komi Vyas, gaya niyang medical professional, ay nagbitiw sa kanyang trabaho sa India.
Ngunit noong Huwebes, 12 Hunyo, buong-buo ang pag-asa ng buong pamilya na sumakay sa Air India flight 171 patungong London.
Pumitik pa ng groupie posterity photo ang buong pamilya saka ipinadala sa kanilang mga kamag-anak — larawan ng isang biyahe patungo sa bagong buhay.
Ngunit hindi nila ito nagawa. Bumagsak ang eroplano. Walang nakaligtas sa kanila kahit isa.
Ang mga narekober na bangkay ay kinuha na kahapon ng kanilang mga kaanak para sa isasagawang ritwal base sa kani-kanilang paniniwalang espirituwal.
Samantala, iniulat na natagpuan na ang Black Box ng bumagsak na Air India at inaasahang matutukoy na ang dahilan ng pagbagsak ng nasabing eroplano.