INIULAT ng pulisya nitong Linggo, 8 Hunyo, ang 34 pakete ng hinihinalang shabu na narekober ng mga mangingisda sa West Philippine Sea na bahagi ng bayan ng Sta. Cruz, lalawigan ng Ilocos Sur.
Tinatayang nagkakahalaga ang buong kontrabando ng P231 milyon at bawat isang pakete ay tumitimbang ng isang kilo.
Natunaw ang tatlong pakete habang 22 ang nananatiling buo na tinatayang nagkakahalaga ng P149 milyon at may nakatatak na “Freeso-dried Durien” na may larawan ng prutas ng durian.
Samantala, natagpuan din ang 12 pakete ng hinihinalang shabu na nakasilid sa loob ng itim na plastic bag na tinatayang nagkakahalaga ng P81 milyon.
May tatak na “Refined Chinese Tea” at Chinese na salitang “Daguanyin” ang mga plastik na pakete.
Sinaksihan ni Ilocos Sur PPO Provincial Director P/Col. Darnell Dulnuan, mga opisyal ng barangay, at mga tauhan ng Philippine Coast Guard ang imbentaryo, pagtatatak, at dokumentasyon ng mga nasabat na ilegal na droga na isinagawa ng Provincial Forensic Unit.
Samantala, ipinag-utos ni Dulnuan sa mga hepe ng pulisya ng mga coastal municipality sa Ilocos Sur na makipagtulungan sa Maritime Group at sa PCG upang palakasin ang surveillance laban sa ilegal na droga.
Kasunod nito, pinapurihan ang mga lokal na mangingisdang hindi nag-atubiling isumbong ang natagpuang kontrabando.