NAKATUTOK ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) – Tanay District Office sa kahabaan ng Marilaque Highway na minsan nang tinaguriang killer highway, kaya mahigpit ang isinasagawang implementasyon para sa kaligtasan ng mga biyahero na darayo sa lalawigan ng Rizal.
Sa pagsisikap ng LTO Tanay sa pamumuno ni Chief Jomel Quimpan, gumawa ng mga plano para muling maging ligtas ang Marilaque Highway, nagkaroon ng maayos na kolaborasyon ang LTO, katuwang ang mga Local Government Units (LGU), Philippine National Police (PNP) at iba pang law enforcement agency, kaya ngayon kinikilala na ang Marilaque Highway na ligtas na daanan para sa mga motorista.
Kabilang sa regular na isinasagawa ng LTO Tanay kasama ang ibang law enforcement unit ay ang regular checkpoints at safety inspections, pagpapatupad ng speed limit at pagpapatupad ng batas sa pagsusuot ng helmet na naglalayong maiwasan ang mga aksidente, maisulong ang responsableng pagmamaneho at maprotektahan ang mga lokal na residente, at bumibisitang motorista.
Ayon Kay Tanay LTO Chief Quimpan, ang top priority nila ay ang kaligtasan ng publiko kaya’t napakahalaga na i-promote ang kaalaman hinggil sa defensive driving, turuan ang mga rider sa kahalagahan ng tamang kasuotan sa pagmomotorsiklo at ang kondisyon ng sasakayan.
Samantala, umaabot sa 939 ang nahuli ng LTO Tanay District Office dahil sa reckless driving, over speeding at overloading mula Enero hanggang Mayo 2025, ito ay dahil sa implementasyon ng Republic Act No. 4136 o ang Land Transportation and Traffic Code.