AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
TAMA! Ang alin? Ang ginawang desisyon ni Pangulong Bong Bong Marcos sa pagtatalaga sa tamang tao para sa tamang posisyon para sa kaayusan at kayapaan ng bansa lalo na para sa seguridad ng mamamayan.
Tamang desisyon at hindi pagsisisihan ni PBBM ang kanyang pagtatalaga kay PGen. Nicolas Torre III bilang bagong hepe ng pambansang pulisya.
Hindi pagsisisihan ni Pangulong Marcos Jr., ito dahil masasabing 100 porsiyento (o sabihin na nating 99%) maidedeliber ni Torre ang misyon na ipinagagawa sa kanya ng Pangulo.
Hindi naman kayang mag-isa ni Torre ang lahat at siyempre matutupad ang lahat o karamihan sa ipinagagawa sa kanya ng Pangulo sa tulong at kooperasyon ng bawat opisyal at kagawad ng PNP mula sa second man pababa sa mga estasyon ng bawat pulisya.
Itinalaga ni PBBM si Torre sa posisyon dahil naniniwala at nagtitiwala siya sa kakayahan ni Torre na pamunuan ang PNP.
Naniniwala ang Pangulo kay Torre hindi lamang base sa mission accomplished niya sa pag-aresto kina Pastor Apollo Quibuloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa halip dahil sa ipinamalas niyang dedikasyon sa trabaho lalo sa Saligang Batas. Bukod pa sa track records ng bagong PNP Chief.
Nasaksihan hindi lamang ng Filipinas kung hindi ng buong mundo kung paano ipinatutupad ni Torre ang batas nang arestohin sina Quibuloy at PRRD maging sa ibang kasong nahawakan at nalutas niya.
Nasaksihan din na hindi niya ipinauubaya ang misyon sa kanyang mga opisyal at tauhan at sa halip, siya mismo ng nanguna kaya naman tumataas ang moral ng bawat pulis lalo nang arestohin sina Quibuloy at si Ex-Pres. Rodrigo R. Duterte.
Nasaksihan ng lahat ang determinasyon ni Torre lalo nang arestohin si Quibuloy — hindi niya sinukuan dahil batid niyang positibo ang kanyang impormasyon na nagtatago at nasa loob ng compound ng Kingdom of Jesus Christ.
Iniisip ng iba na ang ipinamalas ni Torre ay isang pagpapasiklab para masungkit ang pinakamataas na posisyon sa PNP pero ang pag-aakalang ito ng marami ay isang maling akala dahil noon pa man, ganyan na magtrabaho si Torre, hindi pa siya Heneral, District Director, Provincial Director o Regional Director noon ay talagang determinado na ang opisyal. Kahit na nasa mababang ranggo pa si Torre noon, iyan na siya – basta’t may kasong inilapit sa kanya kahit ito pa ay maliit lamang na kaso, kanyang bibigyang halaga para makamit ng biktima ang katarungan.
Maalala n’yo ba ang isa sa huli niyang tinulungan? Ang babaeng tinangayan ng cellphone sa Guadalupe, Makati. Heneral na siya at Hepe ng CIDG noon. Nang makita niya ito, bumaba sa kanyang sasakyan si Torre at tinulungan ang biktima — inalalayan sa Makati Police kaya, mabilis na nalutas ang kaso. Marami pang masasabing maliit na kaso na binigyang prayoridad ni Torre.
Tamang opisyal. Yes, tamang opisyal ang itinalaga ni PBBM lalo na sa gusto niyang siyento porsiyentong police visibility sa bawat sulok ng bansa at mabilis na pagresponde ng pulisya — dapat sa loob ng 3-minuto ay nasa crime scene o sa mga humihingi ng tulong ang responsableng tugon.
Sa puntong ito, hindi nga nagkamali si PBBM dahil ang nais ng Pangulo ay nagawa na ni Torre – ipinatupad ni Torre ang 3-minute police response sa Quezon City noong siya ang District Director ng QCPD. Epektibo ang programa – naging mabilis ang pagresponde dahil sa presensiya ng mga pulis kahit saang sulok ng QC noon. Ang programa ay patuloy na ipinatutupad ngayon ng QCPD.
Kaya, sa nais ng Pangulo na 3-minute (to 5-minute) response na maipatupad buong bansa. Hindi na mangangapa si Torre sa pagpapatupad nito kaya, inaasahan sa mga susunod na buwan ay mararamdaman na ang malaking pagbaba ng krimen sa bansa.
Sabi nga ni Torre, sa pagsisimula ng kanyang tungkulin ay tatlong bagay lamang ang magiging basehan ng kanyang panunungkulan — ang mabilis at patas na pagseserbisyo sa publiko; pagkakaisa at pagpapataas ng moral; at accountability at modernization.
Abangan sa susunod at tatalakayin natin ang tatlong prayoridad ni Torre para sa seguridad ng mamamayan.