ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
NAGDAOS ng Psychoeducation Seminar nitong Lunes, 26 Mayo, ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) para mapaigting ang kaalaman ng mga empleyado ng Ahensiya tungkol sa mental health awareness.
Parte ito ng inisyatiba ng Board sa ilalim ng pamumuno ni Chairperson at CEO Lala Sotto-Antonio na mapangalagaan ang kalusugan sa MTRCB.
Pinangunahan ni Pat Ramirez, isang rehistradong psychometrician, ang talakayan tungkol sa mental health awareness, stress management, at mga batayang batas sa Ahensiya.
Binigyang-diin ni Sotto-Antonio ang kahalagahan ng malusog na kaisipan.
“Ang pangangalaga sa mentalidad ng ating mga empleyado sa MTRCB ay sumasalamin sa paniniwala ng Board na ang serbisyo publiko ay nagsisimula mismo sa atin,” sabi ni Sotto-Antonio.
Aniya, “Ang mga empleyado ng gobyerno na may malusog na kaisipan ay tiyak na makapagbibigay ng propesyonal na serbisyo sa ating mga stakeholder at sa publiko.”
Ang programa ay mula sa dedikasyon ng Board na mapanatiling malusog ang mga kawani ng MTRCB at ligtas sila sa trabaho para mapaglingkuran nang tama ang publiko at maisulong ang responsableng panonood sa Bagong Pilipinas.