SIPAT
ni Mat Vicencio
MALIBAN kay Senator Bong Go, ang walong natitirang senatorial candidates ni dating Pangulong Rodrigo “Digong” Duterte ay hindi na dapat umasa pang mananalo sa darating na halalan sa Mayo 12.
Sa kabuuang siyam na kandidato ng PDP-Laban, tanging si Go ang may laban dahil bukod sa incumbent senator, ang hindi malilimutang propaganda tulad ng ‘Malasakit Center’ at slogan na ‘Bisyo ang magSerbisyo’ ay hindi maitatangging tumimo sa kamalayan ng simpleng mamamayan.
Ang mga kasamahan naman ni Go na sina Raul Lambino, Jimmy Bondoc, Jayvee Hinlo, at Philip Salvador ay itinuturing na kandidatong ‘saling-pusa’ at pinaniniwalaang ‘dead on arrival’ ang kandidatura sa araw mismo ng eleksiyon sa Mayo.
Kung mapapansin din, si Go ay laging pasok sa ‘Magic 12’ kung ikokompara kina Lambino, Bondoc, Hinlo, at Salvador na pawang mga kulelat at nag-uunahan sa huling puwesto ng senatorial survey.
Bagama’t maingay sa media sina Rep. Dante Marcoleta, dating Executive Secretary Vic Rodriguez at Pastor Apollo Quiboloy, mapapansing hindi rin rumerehistro ang tatlong senatorial bets ni Digong sa mga survey at hindi rin pumapasok sa ‘Magic 12’ ng SWS at Pulse Asia.
Patunay bang wala nang aasahan sina Marcoleta, Rodriguez, at Quiboloy sa halalan?
At kahit na itaga pa sa bato, si Senator Bato dela Rosa ay tapos na ang career sa politika. Walang pag-asang makabalik sa Senado dahil sa kanyang ‘PDEA leaks’ na tanging layunin ay gibain si Pangulong Bongbong Marcos, Jr.
Kung tutuusin, walang maaalalang matinong ginawa si Bato sa Senado, maliban sa pagalitan ang mga resource person, magsisigaw habang nandidilat ang mga mata sabay kamot sa makintab na ulo sa hearing ng kanyang kamote ‘este komite.
At kung nakalalamang man si Go sa kanyang mga kasamahan sa PDP-Laban, kailangang ilagay
sa kokote ng senador na may tulog pa rin siya dahil sa kasalukuyan si Bongbong ang presidente, at meron itong malawak na makinarya, organisasyon, impluwensiya, at bulto-bultong pera.