IPINAKITA ni Alaina Bouffaut ang kanyang pinakamahusay na porma upang magreyna sa Under-15 girls category sa National Age Group Aquathlon at Duathlon sa Ayala-Vermosa Sports Hub sa Imus, Cavite.
Ang 12-anyos na Filipino-French ay nagtapos sa 400m swim-2.5km run aquathlon competition sa oras na 18 minuto at 17 segundo upang talunin sina Christy Ann Perez (18:35) at Naomi Rozeboom (18:45) noong Sabado.
Noong Linggo, nagwagi siya sa duathlon (3km run-10km bike-1.5km run) sa oras na 41:48, tinalo sina Kaia Christiana Gica (42:32) at Naomi Rozeboom (42:44).
“Masarap ang pakiramdam,” sabi ni Bouffaut, na ang ina ay mula sa Cagayan Valley.
“Masaya akong manalo, ito ang unang pagkakataon kong makipagkumpetensya sa U15 category,” dagdag pa ng Grade 7 na estudyante na nagdomina sa 11-12 category sa loob ng dalawang taon.
Ang kaeskwela ni Bouffaut na si Johan Joey Marcelo ay nanalo ng gintong medalya sa duathlon sa oras na 35:30.
“Pakiramdam ko ay makakapasok ako sa podium, pero hindi ang ginto,” sabi ng 14-anyos na si Marcelo, isang miyembro ng Sante Barley Nextstep Tri Team.
“Hindi maganda ang pakiramdam ko mula pa noong Miyerkules, nagpahinga na lang ako. Masaya akong nanalo,” dagdag pa ni Marcelo, na nakakuha ng silver medal sa Ironkids Subic at bronze sa Ironkids Duathlon sa Davao noong nakaraang taon.
Samantala, sina Ruan Azriel Santos at Jan Christel Culanag ay nakakuha ng dalawang gintong medalya sa 6 and under category ng torneo na bahagi ng grassroots at talent identification program ng Triathlon Philippines sa pamumuno ni president Tom Carrasco.
Nanalasa si Santos (4:31) laban kay Ivo Gadiel Kanlas (4:49) sa aquathlon (50m swim-200m run). Nakapag-time siya ng 14:01 sa duathlon (400m run-1km bike-200m run).
Si Culanag (4:49) ay tinalo si Rafaela Tifany Marie Culala (12:12) sa aquathlon at nakapag-time ng 14:01 upang manalo ng gintong medalya sa duathlon laban kay Lucia Ysabel Sarmenta (20:02) sa girls division.
Ang ibang Super Tri Kids na nanalo sa duathlon ay sina Thomas Miguel Edangal at Naomi Dimayuga sa 11-12 category (2km-8km-1km); sina Enrique Jose Dela Rosa at Pia Gienne Meiko Gito sa 9-10 category (1km-6km-500m); at sina Zavier Caeden Prequenza at Stacey Ailia Aisha Escala sa 7-8 category (800m-2km-400m).
Ang ibang mga kampeon sa aquathlon ay sina Pele Matteo Latonio at Elise Salas sa 11-12 category (300m-1.5km); sina Jairus Achilles Bongotan at Athena Masadao sa 9-10 category (200m-1km); at sina Eli Julian Dela Cruz at Stacey Ailia Aisha Escala sa 7-8 category (100m-500m).
Sa sprint elite category sa duathlon (5km run -20km bike -2.5km run), sina Franklin Yee at Merry Joy Trupa ang naghari sa kani-kanilang mga division.
Si Yee ay nanalo ng gintong medalya sa oras na 57:13 laban kina Irienold Reig Jr. (57:16) at Patrick Ciron (57:26) sa men’s division.
Si Trupa naman ay nakapag-time ng 1:05:41 upang talunin sina Katrina Salazar (1:05:56) at Rachel Sarah Wei Ying (1:06:57) sa women’s division.
Ang National Age Group Aquathlon at Duathlon tournaments ay sinuportahan ng Philippine Sports Commission, Milo, Asian Centre for Insulation, Gatorade, Fitbar at RaceYa.