Thursday , October 3 2024
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Kasalanan ni Mayor Abby kung bakit nawala ang EMBO sa Makati

NASA 30 taon ang itinakbo ng legal battle sa pagitan ng Taguig at Makati, mula sa Regional Trial Court, Court of Appeals hanggang sa Korte Suprema. Tayo tuloy ay napaisip… kung hindi na sana inakyat ng Makati City ang usapin sa Korte Suprema ay nahinto na ang usaping legal, marahil nasa kanila pa rin ang EMBO barangays habang nanatili sa Taguig ang pinag-aagawang Bonifacio Global City(BGC).

Ito rin ang tingin ng ibang nasa legal profession tulad ni Atty. Darwin Cañete, prosecutor at kilalang blogger. Sa kanyang Facebook post iginiit ni Canete na sa kagustuhang makuha ng pamilya Binay ang BGC ng Taguig sa pamamagitan ng mga korte ay naging mapait ang desisyon dahil hindi lamang ang 240 hectare na military reservation ng Fort Bonifacio kung saan naroon ang BGC ang nakuha ng Taguig kundi maging ang Enlisted Men Barrio (EMBO) na kinabibilangan ng Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside, at Post Proper Southside, sa kabuuan ay nasa 729-hectare ito.

Kung ating babalikan ang kasaysayan unang nagpahiwatig ng interes ang Makati sa BGC na ayon sa kanila ay nasa hurisdiksiyon ng lungsod, batid natin ang kapangyarihan sa politika ng pamilya Binay kaya naman noong 1993 ay naghain ng petisyon ang lokal na pamahalaan ng Taguig sa Pasig City Regional Trial — ang Civil Case No. 63896 na “Judicial Confirmation of the Territory and Boundary Limits of [Taguig] and Declaration of the Unconstitutionality and Nullity of Certain Provisions of Presidential Proclamations 2475 and 518, with Prayer for Writ of Preliminary Injunction and Temporary Restraining Order.”

Nanalo ang Taguig sa RTC noong 2011, marahil pakita lamang ito ng Taguig sa Makati na huwag mo nang angkinin ang BGC, ngunit hindi natigil ang Makati at iniakyat ang apela sa Court of Appeals at noong 2013 ay nanalo naman ang Makati. Dito na nagsimula ang word war sa pagitan ng dalawang malaking lungsod at hindi rin nagpatalo ang kanilang mga supporters, ang dating maliit lamang na kaso ay lumaki.

Lalong nagpakita ng interes ang Makati sa BGC dahil lalo itong umunlad, ito ang source of income ng Taguig dahil narito ang malalaking multinational companies. Kung ating matatandaan, kasunod ng desisyon ng Court of Appeals, si dating Makati City Mayor Junjun Binay ay naging marahas sa pagsasabing ite-takeover nito ang BGC.

Sa kasagsagan ng mainitang usapin sa takeover ay nag-surprise visit noon si Mayor Junjun sa Taguig City Hall at nag-alok ng income sharing deal para sa Fort Bonifacio. Hindi nagustuhan noon ni Mayor Lani Cayetano ang pagpapakita ng puwersa ni Mayor Junjun at sinabihang maging responsable sa kanyang mga statements lalo at hindi pa pinal ang desisyon at hindi pa umaakyat ang usapin sa Korte Suprema.

Naghain ng apela ang Taguig sa desisyon ng appeallate court at ang maagang pagdiriwang ng Makati City ay naunsiyami nang kalaunan ay napatunayang guilty sa forum shopping ang Makati City. Hindi pa rin tumigil ang Makati City. Bunga nito ay iniakyat muli ng Makati ang territorial dispute sa Korte Suprema at hindi na bago sa lahat na noong nakaraang taon ay itinakda ng katastaasang hukuman ang final and executory decision sa dispute, nanalo ang Taguig.

Ang ginagawang hakbang ng Taguig na pag-takeover ngayon sa EMBO barangays ay alinsunod lamang sa utos ng SC, sila ang nanalo makalipas ang 30 taon kaya nararapat lamang na umaksiyon bilang winning party. Kung dati ay “assertive” ang Makati na i-takeover ang BGC marahil dapat lamang din na sila ay magbigay daan ngayon dahil ang Taguig ang legal na dapat mangasiwa sa EMBO barangays at sa BGC.

Hindi natin dapat tingnan na nagpupumilit ang Taguig sa pag-angkin sa EMBO barangays bagkus dapat pang tulungan upang maisakatuparan ito nang maayos. Sa kasalukuyan, mismong mga ahensiya ng gobyero tulad ng Department of Education, Department of Interior and Local Government, Department of Budget and Management, Philippine National Police, Department of Health ay sumusunod na sa desisyon ng Korte Suprema at inililipat na ang kanilang mga operasyon mula Makati papuntang Taguig. Ganoon din ang Commission on Elections na naghahanda na sa paglipat ng mga botante mula Makati tungo sa Taguig para sa nalalapit na Barangay at SK elections.

Mukhang si Makati Mayor Abby Binay na lang ang ayaw pang sumunod sa desisyon ng Korte Suprema?

About Almar Danguilan

Check Also

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Delusional, kung ‘di man desperada

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. DELUSIONAL na marahil ang ating Bise Presidente, si Inday …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Suwerteng QCitizens, bibilhan ng condo ni Mayor Joy B.

AKSYON AGADni Almar Danguilan NAPAKASUWERTE talaga ng QCitizens sa pagkakaron ng isang Alkalde na ang …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Talento mo sa paggawa ng parol, isali sa “Kumukutitap 4” ng QC

AKSYON AGADni Almar Danguilan IKAW ba ay isa sa daang libong QCitizens na may itinatagong …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Paglalantad sa backdoor

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. MATAPOS mapanood ang privilege speech ni Senator Raffy Tulfo …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Serbisyo ng LTO, hanggang Sabado na

AKSYON AGADni Almar Danguilan PASO na ba ang inyong lisensiya sa pagmamaneho at hindi makapag-renew …