ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
KAKAIBANG experience sa talented na actress/writer na si Quinn Carrillo ang maging bahagi ng main cast ng pelikulang Litrato.
Gumaganap si Quinn dito bilang si Angel, isang istriktang caregiver na mapapalapit ang loob sa isang lolang may Alzheimer’s disease na gagampanan naman ng Comedy Queen na si Ai Ai delas Alas.
Inusisa namin si Quinn kung ano ang naging reaction niya nang first day na naka-eksena niya rito si Ai Ai?
Aniya, “Medyo kabado at excited po, kasi kilala naman natin na magaling si Ms. Ai Ai, eh. At kitang-kita ko po yung work ethics niya, na talagang very professional.”
“Mas excitement po ang na-feel ko noon sa shooting namin, kaysa sa kabado,” pahabol pa ni Quinn.
Pagpapatuloy pa niya, “Masaya pong kaeksena si Ms. Ai Ai at hindi ka niya papabayaan…
“Mahilig po siyang mag-adlib kaya dapat alert ka talaga sa lines mo at sa story para masabayan siya. Super-professional po talaga niya. Never na-late, nakaayos na agad.
“Kapag sa room po namin, hawak po lagi ang script. Kapag naman po sa mga eksena, tinutulungan niya po ako. Nagbibigay din po ng tips, silang dalawa po ni ate Ara.”
Ang Litrato ay mula sa panulat ni Direk Ralston Jover at sa pamamahala ni Direk Louie Ignacio. Tampok din dito sina Ara Mina, Bodjie Pascua, Duane David, Rowan Diaz, at Liza Lorena.
Ito ay hatid ng 3:16 Media Network ni Ms. Len Carrillo.
Ano ang mensaheng gustong ipaabot sa viewers ng kanilang pelikula?
Esplika ni Quinn, “Siguro ang message po ng pelikula namin is to spend time with your family, hangga’t kaya mo. And spend it in a good way.
“Bawasan na ang away. Hindi mo malalaman kasi kung kailan na ang huling beses na makakasama mo sila, especially yung mga magulang natin. Kaya hangga’t kaya ninyo, spend your time with them.”
Nalaman din namin kay Quinn na hindi ito ang unang pagkakataon na nakatrabaho niya si Direk Louie, bilang aktres.
Pahayag niya, “Bale second time ko po maka-work si direk Louie bilang artista. Yung una po ay sa Influencer, though short and fun role lang kasi ako roon.
“So, rito po sa Litrato ko siya naka-work na pinupulido niya talaga yung acting ko.
“Masaya po ka-work si Direk Louie. Kalma lang, chill lang… Tamang kuwentuhan pero talagang nakabantay sa acting. Hindi ka niya papabayaan.
Ano naman kaya ang masasabi niya sa ibang casts ng kanilang movie?
Pahayag ni Quinn, “The rest of the cast are very formidable. We have tito Bodjie, tita Lisa, ate Ara. Lahat po sila ang gagaling talaga.
“And talagang nakaka-inspire kasi gusto ko rin po tumagal sa industry kagaya nila and I know, it takes a lot of work and work ethics for that,” nakangiting pakli pa niya.
Ang Litrato ay planong isali sa mga international film festival. Kaya kaabang-abang talaga ang pelikulang ito.