AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
IYAN ang ipinadama ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/Brig. Gen. Remus Medina sa isang hindi kilalang palaboy na binaril ng isang pekeng pulis nitong 3 Hulyo 2022 sa lungsod.
Ipinakita ng QCPD na ang hustisya ay para sa lahat at hindi lamang para sa mga may kaya o nakaaangat sa buhay.
‘Ika nga, kahit hindi pa kilala ang palaboy o walang kaanak na lumapit sa presinto para magreklamo, agad ipinag-utos ni Medina sa Glas Police Station 10 na lutasin agad ang kaso para makamit agad ng biktima ang hustisya.
Katunayan, ang biktima ay hindi lang isang palaboy at sa halip ito ay may kapasanan rin sa pag-iisip.
Dakong 4:10 am niton 3 Hulyo 2022 habang naglalakad sa kalagitnaan ng D. Tuazon St., Barangay Don Manuel, QC ang palaboy, dumaan ang suspek sakay ng kanyang Hyundai Tucson.
Binubusinahan ng suspek ang biktima para tumabi…e dahil nga may problema sa pag-iisip ang palaboy, wala siyang pakialam at sa halip ay lumapit pa sa sasakyan at saka dinuraan ang SUV.
Feeling nabastusan ang driver ng SUV, galit na bumaba sa sasakyan ang suspek na nakasuot ng uniporme ng pulis. Bumunot ng baril at saka ‘di nakapagpigil na binaril ang palaboy.
Tumakas ang suspek habang ang palaboy naman ay isinugod sa Quezon City General Hospital dahil sa tama sa kanyang dibdib. Sa ngayon ang biktima ay patuloy na inoobserbahan.
Hayun, nang makarating kay Medina ang insidente kahit palaboy ang biktima, agad niyang ipinag-utos ang pagresolba sa krimen para makamit agad ng pobre ang hustisya at panagutan ng ‘salarin’ ang krimen.
Agad kumilos ang follow-up team ng Police Station 11. Sa pinangyarihan ng insidente ay nakakalap ang pulisya ng kopya ng CCTV footages kaya naplakahan ang Hyudai Tucson.
Nakuha agad ng mga operatiba sa Land Transportation Office (LTO) ang pagkakakilanlan ng suspek na si Aurello Ramos IV, 25, nakatira sa No. 8 Matimyas St. corner Lourdes Castillo St., Brgy. Don Manuel, Quezon City.
Dakong 9:00 pm nitong Lunes, 4 Hulyo, ay pinuntahan ng mga operatiba ng PS 11 ang tahanan ng suspek at agad sumuko. Nabili ng suspek ang kanyang ginamit na uniporme sa pamamagitan ng online shopping, nakompiska sa suspek ang (1) ARMSCOR kalilbre .45 pistol, may magazine at pitong bala.
Maging ang Hyundal Tucson na ginamit sa krimen ay kinompiska at ang isang set ng PNP uniform, valid LTOPF, valid firearms registration ID, at expired na Permit to Carry Outside Residence ID.
Ayon kay Medina, si Ramos ay kakasuhan ng Frustrated Homicide, paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms at Ammunition Regulation Act), Article 117 (Usurpation of Authority), at Article 179 (Illegal Use of Uniforms and Insignia) of the Revised Penal Code.
Iyan ang QCPD, walang pinipiling kaso, walang pinipiling tutulungan para makamit ang hustisya…palaboy man, ‘ika ni Medina ay may karapatan din makamit ang hustisya.
Kaya, hindi nakapagtataka kung bakit laging naiuuwi ng QCPD ang taunang parangal na best police district of the year.