IBINALIK ng pamahalaang lungsod ng Navotas ang pamamahagi ng tulong pinansiyal sa mga kalipikadong solo parents sa pamamagitan ng Gender and Development (GAD) fund.
Nasa 350 Navoteños na nag-apply para mag-renew ng kanilang solo parent identification cards ang nakatanggap ng P2,000 cash subsidy.
Ang “Saya All, Angat All, Tulong Pinansiyal” ng LGU ng Navotas para sa solo parents ay parte ng serye ng pandemic recovery programs ng pamahalaang lungsod.
“All Navoteño solo parents are qualified to receive the financial assistance. Visit our City Social Welfare and Development Office, go through the necessary registration and verification, and wait for the schedule of the next payout,” ani Mayor Toby Tiangco.
Ang Saya All, Angat All program ay tumatakbo nang buong taon at nakinabang ang nasa 1,000 solo parents na ang unang batch, binubuo ng 195 benepisaryo ay nakatanggap ng kanilang tulong pinansiyal noong nakaraang Marso.
Ang Navotas, sa pamamagitan ng City Ordinance No. 2019-17, ay nagbibigay sa indigent solo parents ng P1,000 educational assistance kada school year.
Bukod dito, sinabi ni Cong. John Rey Tiangco ang co-authored ng House Bill 8097, naglalayong palawigin ang benepisyo sa ilalim ng Solo Parents Welfare Act kabilang ang P1,000 cash subsidy, scholarship programs at grants, 10% discount at VAT exemption, automatic Philhealth coverage, 7-day parental leave with pay, at iba pa. (ROMMEL SALES)