
𝙣𝙞 𝙍𝙤𝙨𝙚 𝙉𝙤𝙫𝙚𝙣𝙖𝙧𝙞𝙤
DUMISTANSIYA ang Palasyo sa best friend forever (BFF) at spiritual adviser ni Pangulong Rodrigo Duterte na si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy matapos siyang ikanta ng isang US-based paralegal na kasabwat sa labor trafficking scheme sa Amerika.
Ayon kay Communications Secretary at acting Presidential Spokesman Martin Andanar, tiwala ang Malacañang na may kakayahan si Quiboloy na ipagtanggol ang kanyang sarili sa hukuman laban sa pag-amin ni Maria de Leon, isang paralegal sa Los Angeles, na siya ang naghahanda at naghahain ng mga pekeng dokumento upang makapanatili nang legal at magkaroon ng US citizenship ang mga miyembro ng KOJC.
“We reiterate that Pastor Apollo Quiboloy of the Kingdom of Jesus Christ is a private individual. As such, he can defend himself in court in light of Maria de Leon’s recent action,” sabi ni Andanar sa isang kalatas kagabi.
Sa inihaing plea agreement kamakalawa sa United States District Court ni De Leon, 73 anyos, residente ng Koreatown sa Los Angeles at may-ari ng Liberty Legal Document Services, inamin niya ang kanyang partisipasyon sa isang iskema ng mga adminstrador ng KOJC sa loob ng walong taon.
Bukod sa guilty plea, pumayag si De Leon na makipagtulungan sa kasong isinusulong ng US government laban kay Quiboloy at iba pang opisyal ng KOJC.
“De Leon admitted in the plea agreement to participating for about eight years in the conspiracy to commit marriage fraud and visa fraud with the leaders of the KOJC,” sabi sa US Justice Department statement.
“At the time [De Leon] completed the immigration paperwork for certain KOJC members, [she] knew that the immigration paperwork was based upon false representations of the bona fides of the underlying marriages made by church officials,” ayon sa plea agreement.
Inamin ni De Leon, nagsumite siya ng mapanlinlang na “Petitions for Alien Relative” at iba pang kaukulang dokumento para sa KOJC members kahit alam niya na ikinasa ang mga kasal para magkaroon ng paborableng immigration status para sa mag-asawa.
Isa si De Leon sa siyam na kinasuhan noong Nobyembre 2021 sa labor trafficking scheme para magkaroon ng visa ang KOJC members upang makapunta sa US, at pinilit mag-solicit para sa isang Glendale-based bogus charity na Children’s Joy Foundation (CJF).
Batay sa sakdal, ang mga donasyon ay ginagamit umano upang tustusan ang operasyon ng sekta at maluhong pamumuhay ng mga pinuno nito.
Ang mga miyembro na naging matagumpay sa pangangalap ng pondo para sa KOJC ay pinuwersa sa mga bogus na kasal o kumuha ng mapanlinlang na student visa para magkaroon ng legal status sa Estados Unidos upang maipagpatuloy ang pag-solicit ng mga donasyon, ayon sa indictment.
“Many of the workers were moved around the United States to solicit donations as CJF volunteers, who were also called Full Time Miracle Workers, according to the indictment, which alleges these workers fundraised for KOJC nearly every day, year-round, working very long hours, and often sleeping in cars overnight.”
Inilabas kamakailan ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa kanilang website ang wanted poster ni Quiboloy bunsod ng mga kasong “conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud and coercion, and sex trafficking of children; sex trafficking by force, fraud and coercion; conspiracy; bulk cash smuggling.”
Sinabi ng US DOJ, tatlo sa mga akusado, kasama si Quiboloy, ay itinuturing na mga nagtatago at pinaniniwalaang nasa Filipinas.