P3.4-M shabu nasabat sa Angeles City big time tulak tiklo
TINATAYANG nasa P3.4 milyon ang halaga ng hinihinalang shabu ang nakompiska ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) mula sa pinaniniwalaang big time supplier ng ilegal na droga nitong madaling araw ng Sabado, 12 Hunyo, sa ikinasang anti-narcotics operation sa Don Juico Ave., Brgy. Malabanias, lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga.
Kinilala ni PDEA3 Director Christian Frivaldo ang suspek na si Miguel Omar, 31 anyos, binata, residente sa Brgy. Abella, sa lungsod ng Naga, lalawigan ng Camarines Sur.
Nabatid na kabilang sa high value individual (HVI) target list ng mga awtoridad ang suspek na nagsusuplay ng bultong shabu sa mga lungsod ng Angeles at Mabalacat.
Nakompiska ng mga operatiba mula sa suspek ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,400,000 at marked money na ipinain sa drug deal.
Nahaharap sa kasong paglabag sa probisyon ng Section 5 (sale of illegal drugs) sa Article ll ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na nasa kostudiya ng raiding team. (RAUL SUSCANO)