Bebot na call center agent timbog sa P2.4-M shabu (Sa Nueva Ecija)
NASAMSAM ang halos P2.4 milyong halaga ng mga hinihinalang shabu ng mga operatiba ng Cabanatuan City Police Station at Sto. Domingo Municipal Police Station mula sa nadakip na babaeng call center agent sa inilatag na drug bust nitong madaling araw ng Linggo, 13 Hunyo, sa Brgy. Aduas Norte, lungsod ng Cabanatuan, lalawigan ng Nueva Ecija.
Kinilala ni PRO3 Director P/BGen. Valeriano De Leon, ayon sa ulat ni P/Col. Jaime Santos, ang suspek na si Sheryl Santos, 43 anyos, dalaga, call center agent, residente sa bayan ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.
Nakompiska mula sa suspek ang 345 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2,346,000, timbangan, at marked money na ginamit sa operasyon.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 ang suspek na kasalukuyang nakakulong sa custodial facility ng PNP Nueva Ecija. (RAUL SUSCANO)