DOE ‘mananagot’ sa brownouts sa 2022 elections (Power suppliers kapag hindi kinastigo)
ni ROSE NOVENARIO
INAMIN ng Department of Energy (DOE) na puwedeng maranasan muli sa bansa ang rotational brownout sa araw ng halalan sa susunod na taon, 9 Mayo 2022, kapag hindi kinastigo ng pamahalaan ang power suppliers na lumalabag sa patakaran ng kagawaran.
“Tinitingnan din natin from the Department of Justice kung ano ang nangyayari na puwede bang nagkaroon ng krimen dito sa mga hindi pagsunod sa polisiya ng Department of Energy dahil puwede na naman itong mangyari next year at anong mangyayari next year? E, may eleksiyon tayo tapos mayroon pa tayong inaasikasong CoVid at marami pang puwedeng maging challenges sa atin,” sabi ni Energy Undersecretary Wimpy Fuentebella sa Laging Handa public briefing kahapon.
Mula noong 2010 ay ipinatutupad ang automated elections sa bansa o ang paggamit ng Precinct Count Optical Scanner (PCOS) machine na pinaaandar ng koryente.
Sinabi ni Fuentebella, pinag-aaralan ng DOE at ng Department of Justice (DOJ) ang posibleng pagsasampa ng kasong economic sabotage sa power suppliers matapos sabay-sabay na pumalya ang sampung power plants na nagresulta sa rotational brownout sa Luzon na nagsimula kamakalawa.
Giit niya, batay sa inilabas na circular ng DOE, ipinagbabawal ang preventive maintenance sa panahon ng Abril, Mayo, Hunyo dahil malaki ang demand sa supply ng koryente kaya dapat ay sumunod ang lahat ng power suppliers.
Bahagi rin aniya ng polisiya ng kagawaran na maglaan ng reserba ang power supplier kapag may pumalyang planta.
Batay sa ulat, karamihan sa nag-shutdown ay hindi hydro power plant kundi planta na pinatatakbo ng coal o fossil fuel.
“Ang gusto natin [ay] compliance. Pero kung patuloy ang hindi pagko-comply, wala tayong magagawa — we have to impose the discipline that is necessary. Because at the end of the day, consumers are suffering,” aniya.
Ngunit para sa power consumers, dapat managot ang DOE sa nararanasang rotational brownout bunsod ng kakulangan ng paghahanda.
“Hindi lang po tayo naprehuwisyo dahil sa rotational brownout. Tayo po ay may kinakaharap pang pagtaas ng presyo ng babayaran nating koryente, ‘yan po ay dahilan ng hindi kapabayaan pero hindi ginawang trabaho ng Department of Energy,” sabi ni Laban Konsyumer President Vic Dimagiba.