
Barangay chairman arestohin — Duterte (Sa mass gatherings)

ni Rose Novenario
INUTUSAN ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pulis na arestohin ang mga barangay chairman sa mga lugar na may naganap na mass gathering.
“Beginning tonight, ‘pag may isa pa, ang unang hulihin ang barangay captain. I’m ordering the police to arrest the barangay captain and bring him to the station, investigate him for dereliction of duty having failed to enforce the law,” sabi ni Duterte sa kanyang Talk to the People kagabi.
Ang direktiba ng Pangulo ay kasunod ng ulat na maraming nagpositibo sa CoVid-19 sa mga dumalo sa swimming party sa isang barangay sa Quezon City gayondin sa mga nagpunta sa Gubat sa Ciudad sa Caloocan City kamakailan.
Ayon sa Pangulo, kahit malaki ang respeto niya sa mga punong barangay ay napilitan siyang gawin ito upang mahigpit na ipatupad ang batas at para maiwasang kumalat ang CoVid-19.
“Your duty is to prevent. Ikaw mismo ang pipigil d’yan. If you do not do it, you will go to jail,” giit niya.
“Napilitan ako dahil ang mga tao ayaw sumunod.”