Tuesday , September 10 2024

Writs of Amparo, Habeas Data ‘kalasag’ vs red-tagging sa journos (‘Reseta’ ni Roque)

 
ni ROSE NOVENARIO
 
MAY legal na lunas ang mga mamamahayag na pinararatangang may kaugnayan sa kilusang komunista o biktima ng red-tagging ng gobyerno, ayon sa Palasyo.
 
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, may inilatag na remedyo ang Korte Suprema para sa mga taong nasa panganib ang buhay bunsod ng ginagawang ‘red-tagging’ ng mga awtoridad gaya ng writ of amparo at writ of habeas data.
 
“Bagamat may mga ilang peryodista na na-red-tagged na e mayroon naman pong remedyo, iyan po iyong Writ of Amparo at saka iyong Writ of Habeas Data ano, para burahin kung ano iyong naging basehan ng red-tagging,” pahayag ni Roque kaugnay sa media red-tagging na ginagawa ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Ang petisyon para sa Writ of Amparo ay isang remedyo na maaaring ihain sa korte ng isang indibidwal na ang karapatan sa buhay, kalayaan at seguridad ay nasa panganib bunsod ng paglabag ng isang public official o employee o ng isang pribadong tao o grupo.
 
Habang ang writ of habeas data ay isang lunas na puwedeng ihain sa korte ng isang tao na ang “right to privacy in life, liberty or security is violated or threatened by an unlawful act of any official or employee, or of a private individual or entity engaged in the gathering, collecting or storing of data or information.”
 
Ang mga nasabing judicial remedy na inaprobahan noong 22 Enero 2008 ay iniakda sa gitna ng nakaaalarmang pagtaas ng bilang ng forced disappearances and extrajudicial executions, pati pagpaslang sa mga may kaugnayan sa militanteng grupo at mga mamamahayag noong administrasyong Arroyo.
 
Isinapubliko kamakalawa ng NTF-ELCAC ang kanilang walong tagapagsalita kasama rito si Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) chief Joel Egco.
May mga duda na ‘talilwas’ sa tungkulin ni Egco bilang PTFoMS chief na sinabing nagsusulong ng proteksiyon sa media ang kanyang bagong posisyon sa NTF -ELCAC.
 
Magugunitang ilang beses nang nasangkot sa red-tagging sa mga mamamahayag ang NTF-ELCAC tulad nang pagbantaan ni Maj. Gen. Antonio Parlade, Jr., na sasampahan ng kasong paglabag sa Anti-Terror Act (ATA) si Tech Torres-Tupas, reporter ng inquirer.net.
 
Bunsod umano ito ng mga isinulat ni Torres hinggil sa mga Aeta na nagreklamong sila ay tinortyur at pinahirapan ng mga militar kaya hiniling nila sa Korte Suprema na sumali sa petisyon upang maibasura ang ATA.
 
Walang habas din ang ginawang red-tagging ni Communications Undersecretary Lorraine Badoy sa CNN Philippines, National Union of Journalists of the Philippines (NUJP), Rappler, at College Editors Guild of the Philippines (CEGP).
 
Sina Parlade at Badoy ay matagal nang tagapagsalita ng NTF-ELCAC at suki ng kritisismo dahil sa ‘bisyong’ red-tagging na walang maipakitang konkretong ebidensiya.
 
Noong Setyembre 2019, inakusahan ni National Intelligence Coordinating Agency regional director Rolando Asuncion si four-time Golden Dove awardee at general manager ng Pampanga station CLTV36 Sonia Soto, pati ang 30 media practitioners, bilang miyembro ng Communist Party of the Philippines (CPP).
 
Ngunit para kay Roque, “walang conflict of interest sa dalawang posisyon ni Egco dahil ang trabaho niya pagdating sa media security ay subaybayan at siguraduhin na lahat ng pumapatay sa mga mamamahayag ay maparusahan sang-ayon po sa ating batas.”
 
Sa kabila nito, hindi nakaimik si Roque sa pagsasawalang kibo ni Egco sa isyu ng media red-tagging ng NTF-ELCAC.
 
Sa 2021 State of Press Freedom in the Philippines, sinabi ni Center for Media Freedom and Responsibility executive director Melinda De Jesus sa pagdiriwang ng World Press Freedom Day noong 3 May 2021, ang counter-insurgency campaign na isinusulong ng NTF-ELCAC ay ginamit ang red-tagging laban sa mga mamamahayag.
 
“The practice – the quick labeling of individuals or groups as supporters of the Communist Party of the Philippines (CPP), the New People’s Army (NPA) and National Democratic Front (NDF) – endangers victims, including journalists, of being hauled to court on trumped up charges such as illegal possession of firearms and make them vulnerable to harassment or worse,” ani De Jesus sa kanyang report.

About Rose Novenario

Check Also

Dragon Lady Amor Virata

Alice Guo feeling artista

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata MARAMI ang nakapuna nang matagpuan ang kinaroroonan ng sinibak …

Arrest Posas Handcuff

Sa Bacolod
Lalaki nang-hostage ng sariling pamilya, sinakote ng pulisya

ARESTADO ang isang 38-anyos lalaki matapos bihagin ang kaniyang sariling pamilya sa bahay ng kaniyang …

SSS Cellphone

SSS nangakong magbibigay ng social security protection sa mga barangay official

ITINULAK ni Social Security System (SSS) President at Chief Executive Officer Rolando Macasaet ang pagiging …

PNP PRO3

Talamak na mga tulak sa Nueva Ecija at Bulacan swak sa buybust serye

SA PATULOY na pagsisikap ng PRO3 PNP na puksain ang mga gawaing sangkot ang ilegal …

Philippines to Hong Kong HK, Plane Flight Path

70 plus Chinese nationals ipinatapon pabalik sa China

MAHIGIT 70 Chinese nationals mula sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) hubs ang ipina-deport ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *