
Anti-narcotics ops sa Tarlac Ex-parak tiklo sa kabaro
HINDI na nakapiyok ang isang dating pulis nang posasan ng mga kabaro na kanyang nakatransaksiyon at mahuli sa aktong nagbebenta ng hinihinalang ilegal na droga sa ikinasang anti-narcotics operation, nitong Sabado, 8 Mayo, sa Sitio Malbeg, Burgos, sa bayan ng Panique, lalawigan ng Tarlac.
Kinilala ni P/BGen. Valeriano De Leon ang suspek, batay sa ulat ni P/Col. Renante Cabico, provincial director ng Tarlac PPO, na si dating PO1 Judy Villanueva, 44 anyos, dating miyembro ng 312nd Provincial Mobile Group, Tarlac PPO, tinanggal sa serbisyo noong taong 2011, may-asawa, residente sa nabanggit na bayan.
Nakompiska ng mga awtoridad mula sa pag-iingat ng suspek ang 15 pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkalahalaga ng P28,000, timbangan, tooter, cellphone, at P2,000 marked money na ginamit sa operasyon.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa Section 5 at 11 ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng Tarlac PNP. (RAUL SUSCANO)