Donated Sinopharm CoVid-19 vaccines, ipinabawi sa China
HINILING ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Chinese Embassy na bawiin ang donasyong 1,000 Sinopharm CoVid-19 vaccine matapos ulanin ng batikos ang pagpapaturok ng hindi aprobadong bakuna.
“Don’t follow my footsteps. It’s dangerous because there are no studies, it might not be good for the body. Just let me be the sole person to receive it,” aniya sa public address kamakalawa ng gabi.
“Let’s just pull them out, so that there’s no issue.”
Humingi ng paumanhin ang Pangulo sa publiko at tinanggap ang mga kritisismo sa paggamit ng hindi aprobadong bakuna.
“We are sorry. You are right,” aniya.
Inilinaw ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi smuggled ang Sinopharm vaccine na ginamit ng Pangulo at ito’y kasama sa binigyan ng compassionate use permit ng Food and Drug Administration (FDA).
Ngunit mismong si FDA chief Eric Domingo ay nagulat na nakapasok sa bansa ang Sinopharm vaccine at nalaman lang ito sa photo release na binakunahan ni Health Secretary Francisco Duque III si Pangulong Duterte.
Sinabi ni Domingo, mananagot ang Presidential Security Group (PSG) Hospital kapag may masamang epekto ang Sinopharm vaccines.
Hindi malinaw kung magpapaturok ng second dose ng Sinopharm vaccine ang Punong Ehekutibo.
Matatandaan, isiniwalat ni Pangulong Duterte na binakunahan ng Sinopharm vaccine ang mga kagawad ng PSG noon pang Oktubre 2020.
Mula noong Pebrero 2021 ay iniimbestigahan ng FDA ang illegal vaccination drive ng PSG ngunit hanggang sa ngayon ay hindi umano nakikipagtulungan ang elite military group sa pagsisiyasat.
Para kay dating Health Secretary Esperanza Cabral, dapat magbitiw si Domingo o manindigan sa tungkulin ng FDA lalo’t hayagan ang pamamahagi at paggamit ng unregulated drugs at vaccines.
“Hindi puwedeng binabastos ang ahensiya mo at ikaw ay walang magawa,” giit ni Cabral. (ROSE NOVENARIO)