Wednesday , October 4 2023
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan
AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

‘Lockdown’ ngayon, after 2 weeks, pagluluwag uli? Wala rin!

MABUTI naman at nakapag-isip nang tama ang gobyerno…pero dapat noon pang unang araw o ikalawang araw nang pumalo sa 5,000 ang infected ng CoVid-19  sa loob ng isang araw. At hindi na dapat pinaabot sa 8,000 para kumilos.

Nitong nagdaang linggo, kumilos ang DOH at IATF kaya nagbaba ang pamahalaan ng uniformed curfew sa Metro Manila  – 10:00 pm – 5:00 am.

Makatutulong daw ang curfew sa pagbaba ng bilang ng infected. Maging ang curfew ay ipinatupad at 24-oras liquor ban hindi lang sa Metro Manila kundi maging sa Cavite, Rizal, Bulacan, at Laguna.

Makatutulong nga ba ang mga pansamantalang remedyo, ang curfew at liquor ban  sa loob ng dalawang linggo? Maaari siguro pero ang curfew…sa malamang ay walang silbi o kaunti ang maitutulong dahil ang karamihan ay nagpapahinga sa gabi – walang gaanong lumalabas maliban sa mga nag-iinom sa mga bar. Kaya dapat na isara muna ang mga bar na iyan.

Aminin din natin na sa gabi,  mababa ang porsiyento ng hawaan  at sa halip sa araw ang talagang maraming hawaan. Kung gaano kaaktibo sa pagkilos ang mga tao sa araw, ganoon din kaaktibo ang pagkilos ng virus  dahil ang mga suspected carrier ay nasa paligid lang.

Kaya ang unang hakbangin, ang curfew ay walang silbi. Liqour ban? Masasabi pang may silbi dahil napipigilan ang gathering o inuman sa kanto maging sa bar. Alam n’yo naman kapag inuman, wala nang kuwenta ang facemask, face shield, at social distancing kaya, siyento por siyento ang hawaan dito.

Ang curfew ay maaari nang bawiin para hindi naman nag-aapura at nakikipag-agawan sa pagsalakay sa mga publikong sasakyan ang mga mag-uuwiang mangagagawa.

Sa pakikipag-unahan sa takot na abutan ng curfew, malaki ang posibilidad ng hawaan dito.

Wala namang problema sa gabi kaya dapat walang curfew o kung mayroon man ay tama lang gawin ng 12:00 midnight hanggang 4:00 am basta’t  24-oras pa rin ang liquor ban. Ang 5:00 am end ng curfew sa kasalukuyan ay alanganin sa mga pumapasok sa trabaho. Napakahirap pa naman ng sumakay ngayon – kulang na kulang ang public transport.

Ngayon, mabuti naman at nagising na ang pamahalaan na  pulos ekonomiya kasi ang iniisip kaysa kalusugan/kaligtasan ng mamamayan.

Ayon sa mga eksperto ang talagang dahilan ng pagsirit ng bilang ng infected ay dahil sa apurahang pagbukas ng ekonomiya sa bansa.

Totoo, maraming apektado ng pandemic pero, sana naman ay pinag-aralan munang maigi ng pamahalaan ang masamang epekto ng mabilisang desisyon nilang buksan nang maluwag ang ekonomiya. Hinay-hinay lang ang dapat…at ‘wag na muna isama ang mga bar.

Oo nga’t nandiyan  ang panawagan ng gobyerno  na sumunod sa health protocols pero, sa tingin n’yo ganoon na lamang ba iyon. Panawagan. Wala iyan! Matitigas din kasi ang ulo ng nakararami kaya isa rin ito sa factor ng pagsirit ng infected.

Uli, ‘ikinandado’ ang Metro Manila, hindi naman lockdown pero parang ganoon na rin. E pagkatapos ng dalawang linggo, ano na!? Bubuksan uli at paluluwagin uli ang lahat. Kapag pinaluwagan uli, expect the worse…

Kaya sa pagbubukas sa ikalawang  linggo ng Abril, nawa’y hindi lahat ng establisimiyento ay pagbibigyan. Dapat sarado muna ang mga bar, wala munang pasyalan, isara ang turismo, bawasan ang bilang ng mga pasahero sa mga PUV.

Sa PUV, dito malaki ang posibilidad ng hawaan… at dapat estriktohan ang panghuhuli sa violators…isama sila sa mga CoVid-19 patient para madala, este…huwag naman kung hindi bigyan ng kapasurahan na hindi nila malilimutan. Iyong mga batang nahuhuli sa labas, seryosohin na arestohin at ikulong ang kanilang magulang sa loob nang isang linggo.

Ano na pagkatapos ng dalawang linggong lockdown? Balik sa dati ang pagluluwag? Kapag masyado pa rin niluwagan ang para sa ekonomiya, walang kuwenta ang lahat.

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

About Almar Danguilan

Check Also

Dragon Lady Amor Virata

Chicken food chain tambayan ng salisi gang

Isumbong mokay DRAGON LADYni Amor Virata DATI nang modus operandi ang laglag-barya gang, ikaw na …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

Zamboanga City Jail, kauna-unahang BJMP Gray Dove Awardee

AKSYON AGADni Almar Danguilan PINARANGALANG Best Jail Facility nitong 21 Setyembre 2023 ang Zamboanga City Jail-Male …

Sipat Mat Vicencio

 ‘Wag n’yong ‘paikutin’ si Digong

SIPATni Mat Vicencio SILIP NA SILIP ang diskarte ng mga tusong politikong gustong gamitin at …

FIRING LINE ni Robert B. Roque, Jr.

Tsokolateng dollar bills

FIRING LINEni Robert B. Roque, Jr. NA-HULICAM sa umano’y paglunok ng dollar bills na nagmula …

AKSYON AGAD ni Almar Danguilan

QCPD anti-drug campaign, nakaiskor ng P2.4-M ‘damo’

AKSYON AGADni Almar Danguilan DALAWANG linggo na rin ang nakalipas simula nang italagang Director ng …

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *