LALONG gumaganda ang exposure ni Marlo Mortel sa pagiging segment host ng morning show na Umagang Kay Ganda. Sinabi ng binansagang Boyfie ng Bayan na sobra si-yang masaya sa mga pinaggagagawa niya sa UKG. “Sobrang enjoy ako sa UKG, isa ito sa pinamasayang ginagawa ko sa history ng career ko talaga. Sobrang thankful ako na kahit wala akong teleserye ngayon, nandyan ang aming morning show. Tuloy-tuloy ako rito sa Umagang kay Ganda,” saad ni Marlo.
Dagdag pa niya, “Ang dami kong magagandang experience sa UKG. Gustong-gusto ko ang mga activities dito na extremes, ibang challenge at adventure ang nararanasan ko sa bawat episodes ng UKG. Plus, iyong mga magagandang lugar na napupuntahan ko, masasarap na food sa mga lugar na ito at yung mga tao, yung people sa lugar na iyon, ibang klaseng experience iyon for me.
“Favorite ko po talagang kumain, lamon talaga kami ng lamon dito. Pagkatapos ng show, wala kaming ginawa kundi kumain nang kumain,” nakatawang saad pa niya.
Ano pang wish mo na sana ay mangyari sa career mo?
Sagot niya, “Ang wish ko, marami akong gusto eh, actually marami nga akong goals, eh. Unang-una, gusto ko talagang maging established na singer. Parang iyon yung gusto kong maging contribution sa industry, yung music ko na mag-stay forever. Gusto ko rin maging in-demand na host, kasi kaunti lang naman ang mga host eh, lalo na sa ABS CBN, ilan lang naman sila. So, gusto kong ma-recognize at sana mabigyan ng chance na magkaroon ng sariling show. Parang tulad nina Luis (Manzano) at Robi (Domingo).
“Isa yon sa gusto ko, and siyempre gusto kong ipagpatuloy yung nasimulan ko bilang actor. Kung ano man yung mauna or kung dumating ng sabay-sabay, I’ll do my best para magawa lahat sila,’ wika pa niya na idinagdag pang nami-miss na rin daw niyang umarte sa harap ng camera.
Ano pa ang kanyang pinagkaka-abalahan sa kasalukuyan? “Sa group naman namin na Harana, nagre-record ulit kami ng mga bagong singles na idadagdag sa album. So, dapat din nilang abangan iyon. Magkakaroon din ako ng bagong TV show, pero hindi ko lang alam kung sa ngayon ay puwede ko na iyong i-reveal.”
Ipinahayag pa ni Marlo na may plano na gawan siya ng solo album, na ang ilan sa cuts ay magmumula sa mga sarili niyang compositions.
Bukod kay Marlo, ang Harana Boys ay binubuo nina Michael Pangilinan, Bryan Santos, at Joseph Marco. Nominated ang Harana Boys at si Morissette Amon sa MYX Music Awards 2017 sa March 16 para sa kategoryang Favorite Remake Song na Baby I Love Your Way.
Mapapanood ang Harana sa mga sumusunod na mall shows: March 15, Harana mall show-Robinson’s Pangasinan, March 17, Robinson’s Antipolo, March 18, Robinson’s Malolos, at sa March 19, Robinson’s Lipa, Batangas.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio