PAGKATAPOS ng laban ni Manny Pacquiao laban kay Tim Bradley sa April 9—magreretiro na nga ba siya?
Iyon ang sabi ni Pacman. Magsasabit na nga siya ng glab pagkatapos ng laban kay Bradley, manalo’t matalo.
At sa napipintong pagreretiro ni Manny isa si Bob Arum ng top Rank ang tipong humihirit pa. Aniya, hindi pa laos ang Pambansang Kamao para iwanan ang boksing pagkatapos ng pakikipagtuos sa ikatlong pagkakataon kay Bradley.
Sa puntong iyon, tama si Arum na hindi pa laos si Pacquiao. Pero ang pagreretiro—ramdam na ni Pacman na padausdos na ang kanyang laro. At ang kanyang kagutuman sa boksing ay tipong bumababa na rin.
Pero teka, pababa na nga ang laro ni Pacquiao pero kung ikukumpara sa mga pasikat na boksingero sa welterweight, angat pa rin ang kalidad ni Manny.
Well, dapat ngang pag-isipan pa rin ng mabuti ng kampo ni Pacman kung talagang totally ay iiwan na nila ang boksing.
Tingin ko, puwedeng kopyahin ni Pacquiao ang istilo ni Floyd Mayweather Jr. pagdating sa pagpili ng laban. Puwede siyang mag-anunsiyo ng pagreretiro pero kung kinakailangan, puwede siyang bumalik sa ring. Tiyakin lang niya na hindi matitindi ang makakalaban niya sa kanyang mga comeback fight tulad ng istilo ni Floyd.
Sa pagreretiro ni Floyd sa larangan, tipo bang bumabalik ang kanyang gutom. Ikanga, muling nararamdaman niya ang kasabikan. Kaya pagbalik niya ay naroon pa rin ang bagsik.
Pero sa paglayo ni Pacman sa larong boksing, dapat lang na mag-iwan siya ng matinding “statement” na talagang hindi pa siya laos. At ang kanyang pagreretiro ay temporaryo lang.
Kailangan niyang manalo kay Bradley sa isang impresibong panalo para matatak iyon sa isipan ng lahat.
At kung sakali ngang babalik siya sa boksing sa hinaharap—hindi siya mababansagang “nagbabalik ang isang laos na boksingero.”
KUROT SUNDOT – Alex Cruz