P31-B ibinayad ng gobyerno sa private schools (Imbes magpatayo ng silid-aralan)
Rose Novenario
December 1, 2015
News
UMABOT sa P31 bilyon ang ibinayad ng gobyerno sa mga pribadong paaralan para pag-aralin ang libo-libong maralitang estudyante imbes na nagpatayo na lamang mga dagdag na silid-aralan sa nakalipas na anim na taon.
Ito ang nakasaad sa pag-aaral ng Canadian researcher na si Curtis Riep na pinondohan ng Education International, isang pandaigdigang organisasyon ng mga guro sa 170 bansa.
Ngunit iwas-pusoy ang Palasyo sa nasabing isyu at ipinauubaya na lamang ang pagtugon sa Department of Education (DepEd).
“Forwarded to DepEd already but will need to see the full report,” ayon sa text message ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda nang tanungin sa usapin.
Nangangamba si Riep na mas lalo pang bubuhusan ng gobyerno ng pondo ang private schools sa ganap na pagpapatupad ng DepEd ng senior high school program sa 2016 kaysa gamitin ang pera para magtayo ng dagdag na school buildings bilang solusyon sa kakapusan ng classroom.
“A lack of political will to finance public education sufficiently in the Philippines has culminated in an overburdened system unable to accommodate all students effectively,” sabi sa 49-page research ni Riep.
Sa ilalim ng Education Service Contracting (ESC) program ng DepEd, makapag-e-enrol ang mahirap na mag-aaral sa pribadong paaralan bunsod ng subsidiya ng gobyerno sa kanyang tuition na P10,000 kada school year.
“The government’s method of subsidizing students’ education in private schools instead of investing in the public education was bad because we should not be investing and filling the pockets of private corporations especially when talking about societal good such as education,” sabi pa sa research ni Riep.