
“Masaya po ako na napansin po ng Star Awards for TV iyong pagganap ko po sa Gift Giver. Masaya po dahil this year po naka-two international award po ako and at least, hindi pa huli po na mula sa sariling bansa natin po ang pagkilala sa akin,” saad sa amin ni Aiko thru private messaging ng FB.
Kamakailan lang ay muling kinilala si Aiko bilang Best Actress Global sa 2015 International Film Festival Manhattan Award para sa pelikulang Asintado na pinamahalaan ni Direk Louie Ignacio. Nauna rito, nanalo rin si Ms. Aiko bilang Best Actress in a Foreign Language Film sa International Filmmakers Festival of World Cinema sa London para pa rin sa naturang indie film ni Direk Louie.
Makakatunggali ni Aiko sa naturang kategorya sina Angelica Panganiban (Pangako Sa ‘Yo /ABS-CBN 2), Coney Reyes (Nathaniel/ABS-CBN 2), Jodi Sta. Maria (Pangako Sa ‘Yo/ABS-CBN 2), Empress Schuck (Kailan Ba Tama Ang Mali?/GMA-7), Jolina Magdangal (Flordeliza /ABS-CBN 2), Maja Salvador (Bridges of Love /ABS-CBN 2), at Shaina Magdayao (Nathaniel /ABS-CBN 2).
“Masaya ako na maging kahanay sina Tita Coney na alam naman po ng lahat how close I am to her, she is my discipler. So, whoever wins, all for the glory of God. Si Jodi also ay magaling na artista, so, lahat po ng nominated ay mahuhusay talaga.
“Sana po makakuha rin ako ng award sa ating bansa, maka-isa po ako rito. Iba pa rin kasi yung manalo sa sariling bansa,” dagdag pa ni Aiko.
Samantala, nakatakdang gumawa ng bagong indie film si Aiko titled Balatkayo (An OFW Story). Ito’y mula sa BG Productions International ni Ms. Baby Go at pamamahalaan ni Direk Neal ‘Buboy’ Tan.
ALAM MO NA! – Nonie V. Nicasio