“For good times and bad times, I’ll be on your side forevermore. That’s what friends are for.”
Ang linyang ito mula sa maganda at sikat na awiting “That’s What Friends Are For” ay sumasalamin sa hindi kayang putuling ugnayan na umiiral at nagbibigkis sa totoong magkakaibigan.
Marahil, matutulungan din tayo ng awiting ito para maunawaan kung bakit nanatiling tapat si President Noynoy Aquino sa isang opisyal na itinuturing niyang matalik na kaibigan at patuloy na dinepensahan — si PNP Director General Alan Purisima — sa kabila ng lahat ng kritisismo at kontrobersya na kasalukuyang humahabol sa hepe ng pulisya sa buong bansa.
Ang pagiging malapit nila ay nagsimula noong 1987 nang si Purisima, isang tinyente ng Presidential Security Group (PSG) sa panahong iyon, ay itinalaga bilang security aide ni Noynoy, ang anak na lalaki ng noon ay President Corazon Aquino.
Nabaril at muntik nang masawi si Noynoy sa taong iyon sa isa sa maraming tangkang rebelyon laban kay Tita Cory, at si Purisima ay nanatili umano sa kanyang tabi.
Si Purisima ay opisyal ng PNP Special Action Force (SAF) at bahagi ng puwersa ng gobyerno na pumigil sa isa pang tangka ng mga rebeldeng sundalo na agawin ang kontrol ng administrasyon noong 1989.
Ang pagkakaibigan nina PNoy at Purisima na nag-ugat sa mapapanganib na insidenteng ito ay patuloy na namulaklak hanggang sa ngayon, sa gitna ng mga panawagang magbitiw ang PNP Chief bunga ng mga isyu ng pandarambong, panunuhol, hindi maipaliwanag na yaman, at pati na ang pagtaas ng krimen, na ang iba ay kinasangkutan ng mga tiwaling pulis.
Paano natin aasahan ang Pangulo na sukuan ang isang tao na itinuturing niyang tagapagligtas?
STRIKE 2 PLUNDER
CASE VS PURISIMA
Pangalawang reklamong plunder o pandarambong na ang isinampa noong Lunes laban kay Purisima, ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC). Ito ay isang linggo matapos magsampa ang grupong Coalition of Filipino Consumers ng plunder, bribery at kasong graft laban sa kanya.
Nagpakita si Purisima sa Senado noong Martes at sinabing ang mga akusasyon ng graft laban sa kanya ay nagmula sa mga nagtatangkang pigilin ang mga reporma na kanyang sinimulan, at sumumpang itutuloy niyang gampanan ang kanyang trabaho.
TUNAY NA ISANG PULIS
Dapat magsaya si Purisima sa katotohanang bagama’t may ilang buwayang nakauniporme, ay may mga pulis pa rin na handang itaya ang sariling buhay sa paglaban sa krimen.
Isang tangkang panghoholdap sa pampasaherong jeep sa Bagong Barrio, Quezon City na nagresulta sa komosyon ang nakatawag ng pansin ng tsuper ng kabuntot na sasakyan. Isa pala itong pulis na kahit “off-duty” ay agad rumesponde at humuli sa suspek.
Libing naman para sa isang bayani ang ibibigay sa CIDG agent na si SPO4 Hector Laceda, na nagbuwis ng sariling buhay para manatiling ligtas ang ating mga lansangan. Napatay siya ng isa sa pinaka-wanted na bayarang mamamatay-tao sa Metro Manila, nang tangkaing hulihin ito sa Barangay Tanza, Navotas City noong Sabado.
Sugatan man sina Laceda at SPO1 Juan Fernando ay nakipagbarilan at napatay nila ang kriminal. Pero sa kasamaang-palad ay nasawi si Laceda habang papunta sa ospital.
Maaaring may masasamang pulis sa PNP pero lamang sa kanila nang milya-milya ang bilang ng mabubuti at tunay nating maipagmamalaki.
***
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-tweet sa @Side_View.
Robert B. Roque, Jr.