SA KANYANG unang opisyal na tungkulin bilang chairman ng Philippine Sports Commission (PSC), nangako si Patrick “Pato” Gregorio na ibibigay niya ang kanyang buong makakaya kapalit ng mas maraming gintong medalya para sa bansa.
“Walang dead end sa pangarap. Ang pangarap natin: mas maraming ginto at serbisyo para sa 110 milyong Pilipino,” sabi ni Gregorio sa PSA Forum sa Rizal Memorial Sports Complex, sa taguyod ng San Miguel Corporation, PSC, Philippine Olympic Committee, MILO, Smart/PLDT, at ng 24/7 sports app ng bansa, ArenaPlus.
Pormal na inilipat sa kanya ang pamumuno mula kay dating chairman Richard Bachmann, na nagsilbi simula 2022. Kamakailan lamang inilabas ang kanyang appointment papers mula sa Malacañang.
Aminado si Gregorio na hindi madaling papel ang kanyang haharapin, pero may tiwala siyang kakayanin ito sa tulong ng mga stakeholder sa sports. Layunin niyang suportahan at iangat ang mga atleta, palakasin ang ugnayan ng sports at ekonomiya, at isulong ang kalusugan ng mamamayan.
Nais din niyang suportahan hindi lang ang Olympic sports kundi pati non-Olympic sports, at iminungkahing magtatag ng foundation para sa tuloy-tuloy na pondo sa sports.
Nais din niyang mapanatili ng bansa ang tagumpay ng mga pambansang atleta sa pandaigdigang entablado, kabilang ang tatlong gintong medalya (isa mula kay weightlifter Hidilyn Diaz at dalawa mula kay gymnast Carlos Yulo) sa nakaraang dalawang Olympics.
“Sa loob ng dalawang taon, gagawin ko ang lahat ng aking makakaya. Pero hindi pwedeng ako lang ang pagod,” ani Gregorio.
Sa ugnayan ng PSC at Philippine Olympic Committee: “Automatic. Matic ’yan,” sabi niya. (HNT)