
ni ALMAR DANGUILAN
HINDI nakaligtas sa kamatayan ang isang pulis na nakatalaga sa Quezon City nang barilin ng isang holdaper na napatay din sa enkuwentro sa Barangay Commonwealth, Quezon City nitong Lunes ng madaling araw.
Dalawang sibilyan ang sugatan sa nasabing shootout.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Maclang Hospital ang pulis na si Patrolman Curtney Harwin Baggay, nakatalaga sa District Tactical Motorized Unit sa Kampo Karingal.
Habang dead on the spot ang suspek na kinilalang si Rolando Viliarte, 33 anyos.
Unang iniulat na hindi kilala ang napaslang na holdaper, nasa edad 25-35 anyos, may taas na 5’4”, nakasuot ng black t-shirt na may Skeptron marking, itim na jogging pants at tsinelas.
Sugatan ang biktima sa panghoholdap na si alyas Sonny, habang tinamaan ng ligaw na bala ang bystander na kinilalang si alyas Irah.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), dakong 2:30 ng madaling araw nitong Lunes, 30 Hunyo, nang maganap ang enkuwentro sa kanto ng Katuparan at Katipunanan streets sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Sa imbestigasyon nina P/SSg. Randy Narciso at P/SSg. Charlie Julaton, bilang bahagi ng ipinatutupad na police visibility, nagbabantay ang biktima at kasamang pulis na si Patrolman Robert Gregorio malapit sa gate ng Benigno Aquino Elementary School sa Katuparan St., Brgy. Commonwealth, nang makarinig sila ng putok ng baril.
Agad nagresponde ang dalawang pulis at dumating sa loob ng 30-segundo sa nasabing lugar ngunit isang lalaki na nasalubong ni Baggay ang nagturo kung saan tumakbo ang suspek.
Pagtalikod ni Baggay upang tugisin ang suspek , agad siyang binaril ng nakasalubong na lalaki na isa palang holdaper.
Bagamat sugatan, nagawang gumanti ng pulis at pinaputakan ang suspek.
Agad sumaklolo ang mga nagrespondeng pulis at pinaputukan ang holdaper na agad nitong ikinamatay.
Nabatid na bago ang enkuwentro, hinoldap ng suspek ang biktimang si alyas Sonny at binaril sa kaliwang balikat ngunit tinamaan ng ligaw na bala ang babaeng si alyas Irah.
Ang dalawa ay kapwa isinugod sa Maclang Hospital kung saan sila patuloy na inoobserbahan.