BINURA ng korte ang buong termino ng panunungkulan ni Alice Guo bilang alkalde ng Bamban, Tarlac, dahil napatunayang ang babae ay isang Chinese national na hindi kalipikado para sa nasabing posisyon.
Isinaad ito sa desisyong inilabas ni Presiding Judge Liwliwa Hidalgo-Bucu ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34, may petsang 27 Hunyo, at nag-aproba sa quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General (OSG).
“Alice Leal Guo is found disqualified from and is hereby adjudged guilty of usurping and exercising the Office of the Mayor of Bamban, Tarlac. Accordingly, she is hereby ousted and altogether excluded therefrom,” saad sa isang bahagi ng desisyon.
Magugunitang unang sinampahan ng OSG ng quo warranto petition si Guo, na nahalal bilang alkalde ng Bamban noong 2022 polls, upang tuluyan nang mapatalsik sa puwesto.
Sa paglabas ng desisyon, sinabi ng hukuman na si Alice Guo at si Guo Hua Ping, na isang Chinese, ay iisa.
Sa nasabing desisyon, binigyang-bigat ng hukuman ang dalawang ebidensiya ng pamahalaan na walang birth, death, at marriage records para sa mga magulang ni Alice Guo at ang pagtestigo ng isang signature expert, na nagsabing ang fingerprint ni Alice Guo at ni Guo Hua Ping ay magka-match.
“She and her parents are holders of Chinese passports,” dagdag ng hukuman.
Halos 10 buwan nang nakapiit si Guo dahil sa non-bailable charge na qualified human trafficking.
Nahaharap din siya sa magkahiwalay na kasong money laundering at graft.
Nag-ugat ang mga kasong kinakaharap ni Guo sa pagkakasangkot niya sa scam hub sa Bamban.